Nanawagan ang iba't ibang grupo ng mga maralita sa ilalim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay kay Pagulong Noynoy Aquino sa kanyang ika-53 kaarawan na itigil ng pamahalaan ang malawakang demolisyon ng kanilang kabahayan. Ito ay matapos ang marahas na demolisyon ng ilang kabahayan sa Barangay Payatas, Quezon City kahapon.
Nagsagawa ang mga maralita ng isang condemnation protest sa kanto ang Narra St corner Litex kung saan giniba ng Task Copriss ang bahay ng hindi bababa sa 15 pamilyang maralita kahapon. Ilan sa mga residente ay naiulat na binugbog ng pulis at demolition team matapos nilang barikadahan ang kahabaan ng Litex Road upang di makapasok ang demolition team.
Ayon sa Kadamay, sa loob ng halos tatlong taong panunungkulan ni Aquino, malawakang demolisyon at pagkawala ng kabuhayan ng maralita ang dinanas ng maralita. Labin-dalawang maralita na rin umano ang pinaslang ng awtoridad dahil sa kanilang aktibong pagdedepensa sa kanilang mga kabahayan.
“Ang mga demolisyon dahil sa Public-Private Partnership ni Aquino ang nagpapalala sa hikahos na kalagayan ng mga maralita,” ani Carlito Badion, national secretary-general ng Kadamay na nagbanggit na mas tumaas ang tantos ng kahirapan ng mga Pilipino sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Pagtatapon sa mamalayong relokasyon na walang kabuhayan ang tanging alok ng gubyerno sa mga maralitang tinatanggalan nito ng tirahan, dagdag ni Badion.
“Malaki ang magagawa ni Aquino kung agaran niyang ipapahinto ang lahat ng mga nakaambang demolisyon sa mga komunidad ng maralita sa buong bansa, upang maagapan ang tuluyang pagbagsak ng kabuhayan ng marami nating kababayan,” ani Badion.
Kasama ng Kadamay sa kanilang protesta ngayong umaga ang isang grupo ng mga relocatess sa ilalim ng Montalban Relocatees Alliance na nagpahayag din ng pakikiisa sa mga biktima ng demolisyon sa Payatas. Hikayat nila na huwag tanggapin ng mga nagibaang residente ang inaalok na relokasyon sa kanila ng pamahalaan sa Montalban, Rizal at Gaya-gaya, Bulacan.
Liban sa walang kabuhayan at malayo sa mga hanapbuhay, mga danger areas umano ang pinagtatapunan sa mga maralitang biktima ng demolisyon, ani Marlin Palconi, taga-pagsalita ng Kadamay-Anakpawis Habagat Chapter.
Di umano nila makakalimutan na minsan ng nalagay ang buhay nila sa peligro ng lamunin ang higit sa 10-talampakang baha ng kanilang bahay sa relocation site sa Kasiglahan Village, Montalban sa pananalasa ng Hanging Habagat noong Agosto nakaraang taon.
Samanatala, napabalitang ilan sa pamilyang nawalan ng bahay kahapon sa Narra St, Payatas ay napilitang tumanggap ng mga off-city relocation package na inalok sa kanila ng pamahalaan.
Ayon kay Gloria Patangui, lider ng mga Pagkakaisa ng Mamamayan sa Narra, ang mga pamliyang tumanggap ng relokasyon ay pawang mga renter at sharer.
Ngunit mas marami umano sa mga pamilyang naiwan ang mga owner at nanindigang hindi sila aalis at muli itatayo ang kanilang mga bahay sa gitna ng banta ng lokal na pamahalaan na magsasagawa ngayong umaga ng clearing operation gamit ang mga back hoe at bulldozer. ###
Reference: Carlito Badion, Kadamay national sec-gen, 0939.387.3736
No comments:
Post a Comment