Translate

Tuesday, March 26, 2013

Magna Carta of the Poor, walang silbi kahit malagdaan ni PNoy

Kasabay ng pagtanggi ni Pangulong Aquino na lagdaan ang batas na naglilikha ng Magna Carta of the Poor, nagpapatuloy umano ang atake ng gubyernong Aquino sa mga batayang karapatan ng mga maralita. Ito ang pahayag ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY), isang pambansang alyansa ng mga maralitang lungsod.

Ayon sa grupo, hindi na sila umaasang maipapasa ang anumang maka-maralitang batas, kabilang na ang Magna Carta of the Poor, sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Gayundin, dagdag ng KADAMAY, kahit na umano maisabatas ang nasabing Magna Carta at malagakan ito ng pondo, magiging walang silbi pa rin ito sapagkat nanatili ang pag-iral ng mga programa at patakarang nagbabaon sa mga Pilipino sa kumunoy ng kahirapan.

Pangunahing binanggit ng grupo ang pagpapatupad ng gubyerno ng iba't ibang porma ng pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo, pasilidad at mga ari-arian na umano'y magsasadlak sa milyun-milyong maralita sa kahirapan at maging sa kamatayan.

Kahapon, giniba ng National Park Development Committe ng Department of Tourism ang mga stalls ng mga maliliit na vendors sa Phase 2 ng Luneta Park. Ayon sa grupong People's Democratic Vendors and Hawkers Alliance-KADAMAY, bukas ay inaasaang tuluyan ng palayasin ang mga vendors mula sa kanilang mga pwesto sa loob ng Luneta. Inaasahang 200 maliit na manininda ang mawawalan ng tanging pinagkukunan ng kanilang kabuhayan sa pagpapatupad ni Aquino ng pribatisasyon ng Luneta Park.

Ngayong araw naman ang itinakdang deadline sa pagsusumite ng aplikasyon para sa mga bidder na interesado sa Public-Private Partnership (PPP) project na Modernization of the Philippine Orthopedic Center.

Inaasahang simulan na sa mga darating na araw ng gubyerno ang bidding process na tuluyang magpapapasa sa POC sa kamay ng mga dayuhang negosyante. Ayon sa KADAMAY, kapag naisaprabido na ang POC, madali na lang para sa gubyerno ang pagsasapribado ng aabot sa 30 pampublikong ospital sa bansa. Libu-libong maralitang pasyente umano ang mamamatay sa tuluyang pagtalikod ng gubyerno sa paglalaan ng serbisyong pangkalusugan sa mamamayan, dagdag ng grupo.

Ang pagpapatupad ni Aquino ng pribatisasyon sa porma ng PPP at ng iba pang makadayuhang patakaran gaya ng deregulasyon at liberalisasyon ang nagpapatunay na titindi pa ang kahirapang dinaranas ng mahigit 32 milyong maralitang lungsod sa bansa, ayon sa grupo. ###

References: 
Joel Meralpes, PEDVHA-KADAMAY Secretary-General, 0933.312.6529
Gloria Arellano, KADAMAY National Chairman, 0921.392.7457

No comments:

Post a Comment