Nagpahayag ng pangamba ang mga maralitang inilikas ng gubyerno sa mga relokasyon ng gubyerno sa Barangay San Jose at San Isidro, Kasiglahan, Rodriguez (Montalban), Rizal kasabay ng pagpasok ni Bagyong Gorio sa teritoryo ng bansa.
Nangangamba silang maulit ang delubyong naglagay sa panganib sa aabot sa 20,000 pamilyang nakatira sa mababang bahagi ng relokasyon sa Montalban noong Agosto ng nakaraang taon sa kasagsagan ng buhos ng ulang dala ng Hanging Habagat.
Ayon kay Marlin Palconit, tagapagsalita ng Montalban Relocatees Alliance, at lider ng Kalipuna ng Damayang Mahihirap (KADAMAY)-Kasiglahan 1K2, hindi malayong maulit ang delubyong hatid ng Habagat, at maairing mas malala pa umano ang epekto.
Noon ding Agosto, pinangunahan ng grupo ni Palconit ang aabot sa 1,026 na mga pamilya sa pag-okupa sa mga housing units na nakalagak sa matataas na bahagi ng relokasyon sa Montalban, partikular sa Phase IK2 mula. Datihan silang inilikas ng gubyerno sa mga units na katabi lamang ng Ilog ng Montalban.
Samantala, kasalukuyang naglagay ang Pag-asa ng mga Signal Alert nito sa aabot sa 16 probinsya kasabay ng pagpasok ng bagyo sa Eastern Visayas at Bicol Region kahapon ng gabi.
Bagamat hindi inaasahang daraan sa Metro Manila ang bagyo, inaasahan namang maghahatid ito ng malakas na ulan sa mga probinsya ng Aurora at Quezon sa gabi ng Linggo hanggang Lunes bago ito lumabas ng bansa sa kanlurang bahagi ng Luzon.
Ngunit ang ganitong ruta ng bagyo ang higit na pinapangambahan ng grupo ni Palconit at ng iba pang relocatees sa Montalban.
Dahil umano sa climate change, ilang beses ng nadoble ang ulan kasama ng mga bagyong kagaya ni Gorio na babagsak sa mga watershed na saklaw ng Bundok Sierra Madre sa probinsya ng Quezon at Aurora.
Ayon sa MRA, ang mga pabahay na itinayo ng guberyno sa Montalban ang siyang sumasalo sa mga tubig-ulan na hindi na kayang ipunin pa ng mga nabanggit na watershed.
"Maaring hindi na lang lagpas-tao ang tubig-bahang sasaluhin namin sa relokasyon sa mga susunod na pagkakataon, kundi lagpas pa ng bubungan ng aming bahay," pangamba ni Palconit.
Death zones
Samantala, binira naman ng KADAMAY ang kawalang-aksyon ng gubyernong Aquino upang hindi na maulit ang delubyo sa mga relokasyon, lalo na ang plano nitong sapilitang paglilikas sa mga informal settlers patungong off-city relocation tulad ng sa Montalban..
"Mag-iisang taon na mula ng manalasa ang Hanging Habagat, naghihintay na lamang ang administrasyong Aquino na maulit ang isang panibagong trahedya sa Montalban," ani Carlito Badion, national secretary-general ng KADAMAY.
"Habang patuloy na nagpapanggap ang gubyerno na nais nitong iligtas mula peligro ng baha ang mga nakatira sa danger zones sa tabing-ilog sa Metro Manila, sa mga death zones namin nito planong pwersahang dalhin ang mga maralitang apektado ng malawakang demolisyon sa tabing-ilog na isasagawa na umano ngayong panahon ng tag-ulan," ani Badion.
Sindikato sa pabahay
Sinisisi ng KADAMAY ang administrasyong Aquino na tinagurian din nitong 'sindikato sa pabahay' dahil sa walang tigil nitong paninisi sa mga maralitang nakatira sa tabing estero bilang sanhi ng pagbaha sa Metro Manila.
Ito ay habang patuloy umano ang pangulo sa pagbibigay pabor sa mga negosyanteng tulad ni Jerry Acuzar na may-ari ng New San Jose Builders.
Si Acuzar umano ay naglagak ng milyun-milyong pondo sa kandidatura ni Pangulong Aquino at bise-presidente Jejoemar Binay noong 2010 election.
Nais pang paimbestagahan ng KADAMAY ang New San Jose Builders na siyang nagtayo ng mga pabahay ng gubyerno sa Montalban katuwang ang National Housing Authority, kahit na tinukoy na sa mga pag-aaral ng mismong gubyerno na hindi akma para tirahan ang lugar ng Kasiglahan sa Montalban. ###
References:
Marlyn Palconit, MRA spokesperson, 09983098175
Carltio Badion, KADAMAY national secretary-general, 09393873736
No comments:
Post a Comment