Translate

Sunday, July 7, 2013

Kaliwa't kanang protesta ng mga maralita, kasado na ngayong araw

Iba't ibang grupo ng maralita mula sa mga komunidad sa Metro Manila at relocation sites sa Montalban, Rizal ang magsasagawa ng magkakasunod militanteng kilos-protesta ngayong umaga.

Sagot umano ito sa tumitinding atake ng administrasyong Aquino sa kanilang paninirahan at kabuhayan.

Maagang maglulunsad ng protesta ang mga maralita ng Barangay Cupang, Muntinlupa City sa isasagawa nilang road blockade ng East Service Road upang hadlangan ang nakaambang demolisyon sa kanilang lugar. Higit sa 300 pamilya ang nakaambang palayasin ngayong araw sa pagpapatupad ng isang court order pabor sa isang negosyanteng claimant ng lugar.

Sa ganap na alas-8 ng umaga, lulusubin naman ng mga biktima ng demolisyon sa Barangay Bignay ang Valenzuela City Hall upang singilin ang lokal na pamahalaan sa isinagawa nitong marahas na demolisyon ng kanilang kabahayan noong Hulyo 4. Ayon sa mga residente, kasinungalingan ang alok na relokasyong ibinigay umano ng LGU sa mga residente. Di hamak umano na mas peligroso ang buhay ng 48 pamilyang nakatira sa tabi ng kalsada kumpara sa dati nilang tahanan sa ilalim ng transmission line ng National Grid Corporation of the Philippines. Igigiit din ng mga residente ang pagpapalayas sa kanilang lider na si Ricardo Gagap na hinuli ng awtoridad noong Hwebes.

Samantala, daan-daang relocatees sa Montalban, Rizal ang susugod sa lokal na opisina ng National Housing Authority. Ayon sa mga residente ng Kasiglahan Village, pupwersahin nilang humarap sa kanila ang mga opisyales ng NHA upang pag-usapan ang kanilang kaligtasan laban sa inaasahang delubyo ngayong tag-ulan. Noong Agosto ng nakaraang taon, higit sa 2,000 pamilya ang nalubog sa higit sa 10-talampakang baha sa paghagupit ng Hanging Habagat. 

Ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY), nag-uumpisa nang matuto ang mga maralitang lungsod na lumaban at maggiit ng kanilang karapatan dahil sa walang-puknat na pambubusabos sa kanila ng administrasyong Aquino. Asahan na umano ng gubyerno ang papadalas at papalaking protesta ng maralita patungo sa State of the Nation Address nito sa Hulyo 22, at pagkatapos nito.

"Ang lumalalang kawalan ng trabaho, demolisyon at pagtaas ng halaga ng mga pampublikong serbisyo ang magbubunsod ng malawak na pagkilos ng maralitang lungsod at mamamayan upang ipanawagan ang agarang pagpapatalsik sa rehimeng US-Aquino, at ang pagpapabagsak sa sistemang nasa likod ng kahirapang kanilang dinaranas," ayon sa KADAMAY. ###

Reference: Carlito Badion, KADAMAY national sec-gen, 09393873736

No comments:

Post a Comment