Translate

Tuesday, July 30, 2013

Lider ng pulis na nandahas sa mga nagbarikadang residente ng N. Triangle, sasampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman

Matapos sampahan ng kasong libelo sa Opisina ng Ombudsman si Mayor Herbert Bautista, planong namang sampahan ngayong umaga ng mga residente ng North Triangle si Police Superintendent Pedro T. Sanchez ng Quezon City Police Department ng kasong physical injuries dahil umano sa sinapit nilang pandarahas mula sa kapulisan sa gitna ng kaguluhan sa Agham Road noong Hulyo 1.

Ayong kay Estrelieta Bagasbas, lider ng September 23 Movement at national vice chair ng grupong KADAMAY, maikokonsidera umanong sagot ito sa naunang reklamong isinampa laban sa kanila ng QCPD na indirect assault, obstruction and illegal assembly at physical injuries sa Quezon City Prosecutor's Office.

Noong Hulyo 26, nakatanggap na ng subpeona mula sa QCPO sila Bagasbas, kasama ang iba pang lider ng KADAMAY na si Carlito Badion at Jocy Lopez at lider ng All-UP Worker's Union na si Arnulfo Anoos.

Dagdad ni Bagasbas, ang pagsasampa ng kaso sa Office of the Ombudsman laban kay Sanchez ay bahagi rin umano ng kanilang paghahanda na sa nakaambang demolisyon sa Agham Road.

Kamakailan ay nag-anunsyo ang lokal na pamahalaan ng Quezon City na anumang oras ay maari ng idemolis ang kabahayan sa tabing Agham matapos maglabas ang Local Housing Board ng lungsod ng Certificate of Compliance para sa demolisyon sa nasabing lugar.

"Sana ay magtanda na si Sanchez at iba pang kapulisan na nagpapalanong muling dahasin ang barikadang ikakasa ng mga residente ng North Triangle," pahayag ng lider.

"Sa ilalim ng administrasyong Aquino, 13 aktibistang maralita na ang napapaslang ng estado dahil sa pagtatanggol nila ng kanilang karapatan para sa disenteng tirahan at kabuhayan," ani Bagasbas.

"Dapat ay mabago na ang sistema kung saan ginagamit ang kapulisan at iba pang pwersa ng estado bilang instrumento sa pagsusulong ng interes ng iilan," dagdag ng lider.

Itatayo sa lupang kinatitirikan ng tirahan ng mga residente sa North Triangle ang Quezon City Central Business District na mas kilala ring Vertis North. ISa itong Public-Private Partnership project na nagkakahalagang P22-B mula sa kapital na ilalagak ng Ayala Land, Inc.###


Reference: Esrelieta Bagasbas, KADAMAY national vice chair, 09089987119

No comments:

Post a Comment