KASABAY ng pagbabawal ng Quezon City sa mga raliyistang maglunsad ng kanilang protesta malapit sa Batasan Pambansa sa State of the Nation Address ni Pangulong Aquino, tinawag ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) na paranoid ang Malacanang.
Ayon kay Carlito Badion, secretary-general ng KADAMAY, walang dapat ikatakot ang administrasyong Aquino sa mamamayan kung talagang daang matuwid ang tinatahak nito.
“Lumalabas na natatakot ang administrasyong Aquino dahil sa kaliwa’t kanang kasalanan nito sa taumbayan sa loob ng tatlong taon nitong panunungkulan,” ani Badion.
Una nang nagpahayag ang kapulisan na madadagdagan ngayong taon ang magpoprotesta sa Araw ng SONA dahil sa mga demolisyong kinakaharap ng mga urban poor sa Metro Manila. Sa inisyal na taya ng kapulisan, aabot sa 20,000 raliyista ang lalahok sa protesta sa Hulyo 22.
Banta sa kapulisan
Nagbanta naman ang grupo sa kapulisan na magdalawang-isip kung kanino sila papanig sa Araw ng SONA.
“Kagaya ng ipinapakita ng mga maralita sa mga barikada laban demolisyon, hindi malayong maiipit na naman ang kapulisan sa pagsambulat ng galit ng mamamayan sa administrasyong Aquino,” paliwanag ni Badion.
Pinakamaraming maralita
Sisikapin umano ng KADAMAY at ng Alyansa Kontra Demolisyon na mahikayat ang pinakamaraming maralitang lungsod na nahaharap sa pagpapalayas sa kanilang mga komunidad, kasama na ang malaking bilang ng maralitang walang trabaho, upang lumahok sa kanilang protesta.
“Hangga’t nasa poder si Aquino, walang kaginhawahang matatamasa ang sambayanang Pilipino. Kaya’t napapanahon na upang dalhin ng maralita at mamamayan sa lansangan ang kanilang mga hinaing at panawagan,” ani Badion
Samantala, inihayag ng KADAMAY na papaloob sila sa kung anumang magiging plano at programa ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa mismong araw ng SONA ni Aquino.
No comments:
Post a Comment