Translate

Monday, July 15, 2013

Grupo ng mga manininda, ikinagalak ang 'orange lane' sa Caloocan City

Ikinagalak ng isang vendors' group ang 'sidewalk-sharing' na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng Caloocan City.

Sisimulan ngayong linggo sa kahabaan ng Rizal Avenue Extension malapit sa LRT Monumento Station ang paghahati sa sidewalk gamit ang mga 'orange lane.' Ayon sa Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) ng Lungsod, ang 'orange lane' ay palatandaan sa lugar kung saan maari lamang pumwesto ang mga sidewalk vendors.

Ayon kay Diamond Kalaw, tagapagsalita ng grupong Manininda laban sa Ebiksyon at Pang-aabuso o MANLABAN, malaking tulong ito sa mga manininda sa bangketa na hindi kakailanganing makipagpatentero sa awtoridad upang kumita para sa kanilang pamilya. Pagkilala umano ito sa kanilang karapatang magkaroon ng kabuhayan sa gitna ng malawak na kawalang trabaho sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Dagdag pa ni Kalaw, dapat gawing huwaran ang nasabing polisiya ng iba pang local government unit sa Metro Manila, lalo na ng Lungsod ng Manila na kasalukuyang nagpapatupad ng zero-vendor policy, at ng Lungsod Quezon kung saan talamak ang pangongotong ng mga nasa awtoridad sa mga sidewalk at overpass vendors.

"Sa kakarampot na kinikita, malaking tulong sa pamilya ng mga vendors ang pagkilala ng mga LGU sa aming karapatang makapagtinda ng ligal sa bangketa, at ligtas sa pang-aabuso ng mga tiwali sa gubyerno," pagwawakas ni Kalaw. #### 

Reference: Diamond Kalaw, MANLABAN Spokesperson, 09495027349

No comments:

Post a Comment