Translate

Friday, July 19, 2013

Mga maralita, nagkasa ng sabay-sabay na protesta laban sa demolisyon

Sa kabila ng pagbabawal ng kapulisan sa paglulunsad ng protesta malapit sa Batasang Pambansa sa araw ng State of the Nation Adress ni Pangulong Aquino, pinaghahandaan na ng mga maralita ang malakihang pagpapakilos sa araw ng SONA sa kanilang synchronized protest na inilunsad ngayong hapon.

Sa ganap na alas-5 ng hapon, maglulunsad ng sabay-sabay na protesta ang mga residente ang mga barangay sa paligid ng Batasan Pambansa gaya ng Barangay Commonwealth, Payatas, Batasan, Bagong Silangan, at Holy Spirit.

Liban sa Quezon City, naglunsad din ng protesta ang iba pang komunidad sa Caloocan City, Mandaluyong City at San Juan City. Lumahok din ang mga relocatees sa Kasiglahan Village, Rodriguez, Rizal.
Pinangunahan ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) at Alyansa Kontra Demolisyon ang nasabing pagtitipon upang ipanawagan sa administrasyong Aquino na agarang wakasan ang malawakang demolisyon ng mga maralitang komunidad para bigyang pabor ang malalaking negosyante at dayuhan.
Protesta sa Trinoma

Samantala ang mga residente ng North Triangle ay naglunsad naman ng candle-lighting protest sa labas ng Trinoma sa North Avenue. Sinamahan sila ng mga seminarista at iba pang taong-simbahan mula sa Church-Urban Poor Solidarity.

Ayon kay Estrelieta Bagasbas, lider ng lokal na Alyansa sa North Triangle, at tagapagsalita ng Alyansa Kontra Demolisyon, higit sa 24,000 pamilya ang tinatanggalan ng karapatan ni Ayala at ng gubyerno para mabuhay ng matisaway simula ng ipatupad ang proyektong Quezon City Central Business District.

Marami umano sa kanila ang nalipat sa mga relokasyon sa Montalban at Bulacan na higit na nagpalala pa sa kanilang hirap na kalagayan.

Pananalasa ni Aquino

Sa termino ni Aquino, aabot sa 584,000 pamilyang maralita ang nakatangkang palayasin ng gubyerno mula sa kanilang mga komunidad sa Metro Manila.

Higit sa 100,000 pamilya sa mga ito ang nakatira sa tabi ng mga daanan ng tubig na itinuturing ng gubyernong peligrosong lugar.

Ang malupit pa umano, sa loob ng panunungkulan ni Aquino, hindi bababa sa 72,000 pamilya ang dumanas ng mga banta ng demolisyon at nawalan ng tahanan. Hindi rin bababa sa 13 maralita ang napaslang sa pagtatanggol nila sa kanilang lupang panirikan.

References:
Carlito Badion, KADAMAY national secretary-general, 09393873736

No comments:

Post a Comment