Kasabay ng tuluy-tuloy na atake sa mga maralitang lungsod, suntok sa buwan ang pag-ahon sa kahirapan sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Ito ang pahayag ng mga maralitang lungsod sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) na ngayong hapon ay naglunsad ng sariling bersyon ng State of the Nation Address na tinawag nilang State of the Urban Poor o SOUP 2013. Sinimulan ng grupo ang kanilang aktibidad sa isang feeding program ng lugaw para sa mga maralitang kabataang ng Sitio San Roque, North Triangle, Quezon City.
Tulad umano sa nagdaang mga taon, lumala ang kahirapan at kagutuman sa bansa sa ilalim ng administrasyong Aquino. Hungkag umano ang 7.8% paglago ng ekonomiya at inilabas lang ito upang pagtakpan ang kapalpakan ng administrasyong resolbahin ang kahirapan sa bansa.
“Mula ng maluklok si Aquino sa poder, tumaas kapwa ang bilang ng naghihirap at nagugutom na Pilipino. Ayon sa Social Weather Station (SWS), mula 8.9 M pamilya noong 2012, naging 10.6 M ang pamilyang Pilipino ang lugmok sa matinding kahirapan ngayong 2103. Lumaki rin ang bilang ng nagugutom na mula sa taunang average sa 3.6M pamilya noong 2010 ay naging 7.9 M pamilya sa Marso ng 2013,” ani Arellano.
Lumaki rin umano ang bilang ng walang trabaho, mula 2010 na may bilang na 9.5 M, ngayong 2013 ay umabot na ng 11.1 milyon.
”Ngunit ang isang katiyakan, mas maliit pa ang mga datos na ito sa tunay na dinaranas ng maralitang Pilipino,” hirit ni Arellano.
Maling balangkas
Nasa maling balangkas umano ng pagpapatakbo ng ekonomiya ang pinapatupad ni Aquino, ayon sa KADAMAY. ”Pinagpipilitan ni Aquino ang pagsusulong ng mga neoliberal na patakaran sa ekonomiya na matagal ng napatunayang palpak, at syang nasa likod ngayon ng malalang pandaigididang krisis sa ekonomiya,” ani Arellano.
”Ang mga makadayuhang patakarang ito gaya ng Public-Private Partnership ang dahilan ng malawak na kawalang trabaho sa bansa, at pangangamkam ng lupa sa kanayunan at kalunsuran na siyang nasa likod ng mararahas na demolisyon ng tahanan at pagpapalayas sa maralita mula sa kanilang komunidad,” dagdag ng lider.
Matagal na umanong nagbibingi-bingihan ang gubyerno sa panawagan ng mamamayan para ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, ayon sa KADAMAY.
Kaliwa't kanang demolisyon
Kinondena rin ng KADAMAY ang kaliwa't kanang mga demolisyon pangunahin ng mga maralitang nakatira sa tabing estero.
"Walang sinseridad ang gubyernong Aquino sa pagresolba sa usapin ng kaligtasan at kasiguruhan sa paninirahan ng mga maralita. Inaasahan ng KADAMAY na mas titindi pa ang paglaban ng mga maralita sa pagtanggi ng pamahalaang pakinggan ang kanilang panawagan para sa trabaho, sa halip na demolisyon," ani Arellano.
Sa isinagawa nilang forum ng ngayong hapon, naglabas ng hinaing ang iba't ibang grupo ng maralita sa mapiit na dinanas nila sa ilalim ng administrasyong Aquino. Ikinagalit nila ang pagpaslang sa hindi umano bababa sa 13 anti-demolition activist sa loob ng tatlong taong ni Aquino sa poder, liban sa dose-dosenang kaso ng pagkakakulong at gawa-gawang kaso laban sa mga lider-maralita.
Bilang bahagi ng kanilang pagtitipon ngayong umaga, nagkaisa ang mga maralita sa magpapakilos sila ng libu-libo sa darating na SONA ni Pangulong Aquino sa Hulyo 22.
Kasabay ito ng panawagan nila sa mamamayan na patalsikin na ang papet, pasista at pahirap na pangulo sa Malacanang.###
Reference: Gloria Arellano, KADAMAY national chair, 09213927457
No comments:
Post a Comment