Translate

Monday, July 15, 2013

Mga maralita ng North Triangle, muling lulusob sa Quezon City Hall

Nakatakdang magmartsa mula Agham Road patungong Quezon City Hall ngayong umaga ang mga residente ng Sitio San Roque sa North Triangle. Hangad nilang makipag-dialogo kay Mayor Herbert Baustista hinggil sa demolisyon ng kanilang tirahan. Matagal ng planong palayasin ng lokal at pambansang pamahalaan ang mga residente ng North Triangle upang itayo ang Quezon City Central Business District sa lugar. 

Noong unang araw ng Hulyo, nagkasagupa ang mga residente at ilang elemento ng QC Police Department at SWAT nang binarakadahan ng mga residente ang kabahaan ng Agham Road dahil sa inaasahang demolisyon ng kanilang tirahan. 

Nang araw ding iyon, bagamat itinanggi ng LGU ng Quezon City na may planong demolisyon sa North Triangle, inakusahan naman ng alkalde na hindi lehitimong nakatira sa San Roque ang mga nanguna sa barikada ng mga residente. Marami rin umano sa mga residente ang professional squatter kabilang na ang mga nagnenegosyo sa lupang hindi naman nila pag-aari. Pugad rin umano ng mga squatting syndicate ang komunidad.

Ngunit ito ang nais pabulaanan ng mga residente sa isasagawa nilang pagkilos ngayong umaga.

Ayon kay Ricky Indecio, lider ng San Roque Vendors Association, puro kasinungalingan ang akusasyon ni Mayor Bautista laban sa mga residente. 

"Walang karapatan si Mayor Bautista na dungisan ang aming pangalan at akusahan kaming mga professional squatter sa tagal ng panahong kami ay naninirahan at lumilikha ng kabuhayan sa marangal na paraan dito sa Sito San Roque," ani Indecio.

"Kung meron man sindikato sa Quezon City, ito ay ang grupong kinabibilangan ni Mayor Bautista na nais ibenta ang lupaing aming pinaunlad sa mga negosyante tulad ni Ayala upang magkamal sila ng limpak-limpak na salapi mula sa mga kick-back sa kontrata, habang patuloy naman ang paglustay nila sa pondo ng taumbayan sa pagpapagawa ng mga relokasyong pinagkakakitaan ng mga kasapakat nilang low-cost housing developer gaya ng New San Jose Builders," dagdag pa ng lider.

Kasinungalingan din umano ang ipinagmamalaking in-city housing na BistekVille. Hindi umano tunay na pang-maralita ang nasabing pabahay sapagkat sa rekisito pa lang ay dapat patunayan ng mga beneficiary nito na meron silang regular na trabaho at sapat na sahod.

Napakuhasay umanong artista ni Bistek, ngunit kailanman ay hindi nito malinlang ang mga residente na tanggapin ang inaalok sa kanilang relokasyon sa Montalban, Rizal at San Jose Del Monte, Bulacan, dagdag ng lider.

Ayon naman sa grupong KADAMAY, dapat sagutin ni Bautista at ng administrasyong Aquino kung bakit mas pinapaboran nito ang interes ng mga negosyanteng tulad ni Ayala sa halip na ang interes ng libu-libong maralita. Isa umano ito sa napakrami pang dahilan kung bakit libu-libo ring maralita ang bubuhos sa lansangan kasabay ng State of the Nation Address ng pangulo sa Hulyo 22, lalo na mula sa mga komunidad na nahaharap sa demolisyon sa Quezon City. ###

Reference: Estrelieta 'Ka Inday' Bagasbas, September 23 Movement Chair, KADAMAY National Vice Chair, 09089987119

No comments:

Post a Comment