Translate

Tuesday, December 10, 2013

Grupong KADAMAY, kinondena ang iligal na pag-aresto sa manggagawa ng Manila Seedling Bank at ilang aktibista

Kinondena ng gruping Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) ang ginawang iligal na pag-aresto ng Quezon City Police District sa mga aktibista at manggagawa ng Manila Seedling Bank sa North Triangle, QC.

Kabilang sa mga inaresto sina Sylva Attala Fortuno, 27, pambansang opisyal ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap, at Joanna Orillano, 14, opisyal ng Anakbayan North Triangle. Sila umano ay binubugbog ng kapulisan matapos silang tumangging magpaaresto. Samantala, 13 manggagawa rin ang nakasama sa pag-aresto.

Aabot na 18 oras na nakadetene ang mga inaresto sa Camp Caringal, kahit wala pang pormal na kasong isinampa laban sa kanila. Si Orellano na isang menor-de-edad at dumanas din ng pambubugbog mula sa mga arresting officers ng QCPD ay dinala naman sa panganagsiwa ng DSWD.

Matapos ang ikinasang protesta ng mga maralita ng QC kahapon kasabay ng State of the City Address ni Mayor Herbert Bautista, pwersahang binuksan ng mga manggagawa ng MSB ang gate sa compound na kanilang pinagtatrabahuhan.

Kahapon ng umaga, sa utos ni Mayor Bautista, ipinasara ng QC LGU ang MSB compound dahil sa mahigit 57M pisong buwis na hindi umano nito nabayaran mula 2011.

Ayon pa sa QC LGU, matagal na umanong pinaabutan ang mga nagosyante sa loob ng MSB na lisaanin ang compound, at pansamantalang pumwesto sa loob ng QC Memorial Circle.

Mariin itong tinutulan ng mga maralitang nagtatrabaho sa compound gayundin ng mga residente mula sa katabing komunidad ng San Roque.

Sa pagsasara ng MSB Compound, nasa 150 manggagawa, 60 empleyado ang mawawalan ng trabaho, pati na rin ang 50 malilit na negosyante na nagtitinda ng mga pananim at halaman.

Samantala, ang grupong KADAMAY kasama ang Concerned Organizations Opposed to Transfer, Lay-off, Privatization and Demolition due to QCCBD, ay tumututol din sa pagsasara ng MSB Compound hindi lamang dahil mawawalan ng hanapbuhay ang mga nagtatrabaho sa lugar, kundi dahil isang hakbang umano ito sa pagpapatupad ng Quezon City Central Business District.

Ang QCCBD ay inaasahang wawalis sa kabahayan at kabuhayan ng natitirang 7,000 pamilya sa San Roque at iba pang komunidad sa North at East Triangle.

Ayon sa SAVE Manila Seedling Bank, planong kuhanin ni Bistek at ng Ayala Land Inc. (sa pangunguna ni ALI CEO Antonino T. Aquino) ang 6 na ektaryang lupain na inuupahan ng MSB sa National Housing Authority para sa Vertis North Project ng mga Ayala.

Kasabay ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao ngayong araw, maglulunsad ng malaking protesta ang mga maralita sa labas ng Camp Caringal ngayong hapon para ipinawagan ang kagyat na pagpapalaya sa mga inaresto, at pagpapanagot sa pasismo ng QCPD sa pangunguna ni Superintendent Pedro Sanchez.###

No comments:

Post a Comment