Translate

Monday, January 20, 2014

Grupong KADAMAY, kinondena ang clearing operation sa Manila Seedling Bank ngayong [Kasabay ng National Day of Prayer para sa mga biktima ni Yolanda]

Matapos ang ikinasang protesta ng mga maralita ng North at East Triangle kaninang umaga kasabay ng isinasagawang clearing operation sa Manila Seedling Bank, maglulunsad naman sila ng isang candle-lighting protest kasabay ng panawagan ni Pangulong Aquino para sa isang National Day of Prayer para sa mga biktima ng Bagyong Yolanda.

Ayon kay Estrelieta Bagasbas, national vice chair ng KADAMAY, walang pakundangan ang administrasyong Bautista at Aquino sa kalagayan ng halos 150 maralitang manggagawang nawalan ng trabaho at 60 empleyado ng Manila Seedling Bank Foundation, Inc.

Nagtapos noong Biyernes ang 20-day grace period na ibingay ng QC LGU sa mga occupants ng MSB compound upang kusa nilang lisanin ang compound.

Ayon pa sa QC LGU, matagal na umanong pinaabutan ang mga nagosyante sa loob ng MSB na lisaanin ang compound, at pansamantalang pumwesto sa loob ng QC Memorial Circle.

Ngunit mariin tinutulan ng mga maralitang nagtatrabaho sa compound gayundin ng mga residente mula sa katabing komunidad ng San Roque ang planong paglilikas.

Samantala, ang grupong KADAMAY kasama ang Concerned Organizations Opposed to Transfer, Lay-off, Privatization and Demolition due to QCCBD o CONTRACBD, ay tumututol din sa pagsasara ng MSB Compound hindi lamang dahil mawawalan ng hanapbuhay ang mga nagtatrabaho sa lugar, kundi dahil isang hakbang umano ito sa pagpapatupad ng Quezon City Central Business District.

Ang QCCBD ay inaasahang wawalis sa kabahayan at kabuhayan ng natitirang 7,000 pamilya sa San Roque at iba pang komunidad sa North at East Triangle.

Ngayong alas-6 ng hapon, magsisindi ng kandila sa tarangkahan ng Manila Seedling ang grupong KADAMAY. Ayon sa grupo, ang candle lighting ay kanilang protesta sa kaliwa't kanang demolisyong kinakaharap ng maralitang lungsod, kabilang na dito ang mga apektado ng Bgayong Yolanda sa Tacloban City na pinapalayas mula sa kanilang komunidad.

No-build policy sa Tacloban, kinondena

Kinondena ng KADAMAY ang 'no-build policy' na ipinapatupad ng administrasyong Aquino sa Tacloban City kung saan hindi na kinayaang makabalik ang mga maralita sa dati nilang komunidad upang bigyang daan ang malalaking Public-Private Partnership Project sa syudad.

Ani Bagasbas, ang administrasyong Aquino ang pinakamalalang bagyong sumalanta sa maralitang lungsod. Libu-libong maralita umano ang nawalan ng trabaho at tahanan sa pagpapatupad nito ng malawakang demolisyon ng mga komunidad ng maralita.

Mga nawalan ng masisilungan, hinikayat na tumira sa North Triangle

Samanatala, nanawagan naman ang grupong KADAMAY sa ilang manggagawang nawalan ng tahanan na magtirik ng kanilang masisilungan sa katabing na komunidad na Sitio San Roque sa North Triangle. Sa kabila ito ng bagong ordinansa na ipinasa ng QC LGU na nagbabawala ng pagtatayo ng mga bagong istrukutura saan mang lugar sa lungsod nang walang kaukulang permiso ng may-ari ng lupa.

Nakahanda umanong sumuporta sa laban ng mga manggagawa ng Manila Seedling Bank ang mga maralita sa mga kalapit komunidad upang biguin ang sapilitang pagpapalayas na isinasagawa sa kanila ng pamahalaan.###

No comments:

Post a Comment