Kinondena ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang nagaganap na demolisyon ng aabot sa 30 kabayahan sa Ulingan, Brgy. Catmon, Malabon City.
Ayon sa ulat ng samahan ng Kadamay sa komunidad, nagawang gibain ng mga bayarang demolition team at katuwang ang lokal na kapulisan at gamit ang isang bulldozer ang kabahayan ng ilang pamilya sa kanilang lugar. Kahit umano pasado alas-3 na ng hapon, nagpapatuloy pa rin ang pagdating ng reinforcement team ng kapulisan.
Higit na kinondena ng Kadamay ang pagkawasak sa kabuhayan ng mga pamilya na nabubuhay sa pag-uuling at pangangalakal.
"Wala ng ngang disenteng trabahong binibigay ang gubyernong Aquino sa mga maralita, katuwang pa ito ng mga negosyante sa pagwasak sa tahanan at kabuhayan ng mga maralitang lungsod. Ano nga bang pagpipilian ng mga maralita, kundi ang lumaban at hangarin maibagsak ang ganitong klase ng sistema?" ani Gloria Arellano, Kadamay national chairperson.
Ayon pa sa mga residente, bahagi ang ginagawang pagpapalayas sa mga maralita ang expansion ng proyekto ng kompanyang Himlayan Realty Corporation sa kabahaan ng Governor Pascual Avenue.
Iligal umano ang isinagawang demolisyon ng PNP at ng mga tauhan ng HRC. Labag umano sa Urban development and Housing Act (UDHA) ang pagsasagawa ng demolisyon tuwing Sabado at Linggo. Gayundin, ang paggamit ng heavy equipment na ipinagbabawal ng UDHA.
Hiling nilang masibak sa pwesto si Police Inspecto Flores na syang tumayong commander ng kapulisang sumama sa demolition team, at makulong ang iba pang nasa likod ng iligal na demolisyon.
Nong Setyembre, isang pastor ang nakulong matapos niyang ipag-utos ang paggiba ng mga kabahayan sa Malate, Manila sa kasagsaganan ng pananalasa ng Bagyong Mario. Ipinagbabawal din ng UDHA ang pagpapatupad ng demolisyon kapag masama ang panahon.
Isang Police General Edgardo Aglipay naman ang sinasabing may-ari ng kompanyang MRC ang nagpahatid ng anunsyo sa higit sa 500 pamilyang nakatira sa ilang ektaryang lupain sa gilid ng lumang tambakan ng basura sa Brgy Catmon na binili umano ng kanyang kompanya sa lokal na pamahalaan.
Naniniwala rin ang mga residente na kasabwat sa ipinapatupad na demolisyon ang lokal na pamahalaan ng Malabon City.
No comments:
Post a Comment