Translate

Sunday, November 30, 2014

Mga relocatees, nagprotesta sa tarangkahan ng NHA bilang bahagi ng paggunita sa kaarawan ni Bonifacio


Kabilang umano ang mga maralitang lungsod na nakatira sa mga malalayong pabahay ng gubyerno sa mga dapat manguna para ulitin ang rebolusyong isinulong ni Gat Andres Bonifacio mahigit isandaan taon na ang nakalilipas. Ayon ito sa Task Force Relocatees na ngayong umaga ay naglulunsad ng isang kilos-protesta sa ika-151 kaarawan ng dakilang lider na Katipunan.

Aabot sa 300 maralita ang lumahok ngayong umaga sa isang noise barrage protest gamit ang mga kutsara at mga kalderong walang laman sa tarangkahan ng National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road, Quezon City. Simbolo umano ito ng labis na kahirapan at kagutuman sa mga malalayong pabahay ng gubyerno o mga off-city relocation sites, na pangunahing dulot ng malalang kawalang trabaho sa relokasyon.


Nagtirik din sila ng isang tent sa labas ng ahensya na simbolo umano ng kapalpakan ng administrasyong Aquino sa pagtitiyak ng pabahay para sa libu-libong biktima ng kalamidad sa Bisayas at Mindanao, maging sa mba biktima ng Zamobanga Seige, sa kabila ng bilyun-bilyong pisong pondo sa pabahay na inilalaan kada-taon sa NHA. Ang NHA ay ahensyang direktang nakapailalim sa opisina ni Pangulong Aquino.

Partikular na sinisisi ng mga maralita ang mga maka-dayuhan umanong patakaran sa ekonomiya sa ipinatapatupad ng administrasyong Aquino. Kung kaya't wala umanong ipinagkaiba ang kalagayan ng mga Piliipino sa panahon ni Bonifacio at sa kasalukuyan ay dahil sa pag-iral ng mga neoliberal na patakaran na nagpapahirap sa kalakhan ng mga Pilipino, lalo sa mga maralitang nakatira kanayunan at malalayong relokasyon ng gubyerno.


Sa datos ng NHA, 45,46 ang bilang ng pamilyang inilikas ng gubyerno mula sa taong 2009 patungo sa mga off-city relocation sites. Bago ang 2009, libu-libong maralita na ang naunang inilikas ng gubyerno sa mga relokasyon kasabay ng pagpapatupad nito ng mga proyektong pangkaunlarang nagtataboy sa maralitang lungsod mula sa kanilang mga komunidad.

Neoliberal na patakaran

Batay sa Philippine Development Plan 2011-2016 ni Aquino, hinihikayat ng gubyerno ang paglikha ng isang 'investment-friendly environment' sa sektor ng pabahay sa pamamagitan ng programang Public-Private Partnership alinsunod sa dikta ng neoliberal na patakaran. Ayon sa TF Relocatees, sa aktwal, iniluluwal nito ang pagtalikod ng gubyerno sa responsibilidad nitong bigyan ng serbisyo ang mamamayan, habang pinapaburan ang interes ng mga dayuhan at lokal na namumuhunan sa sektor ng pabahay.

Sa dikta rin ng neoliberal na patakaran, pinapanatili ring maliit ng gubyerno ang pondo nito sa para sa serbisyong pabahay para sa mamamayan. Hindi kailanman humigit sa 1% ng taunang national budget ang inilalaan ng gubyerno para sa serbisyong pabahay ng maralita, liban sa taong 2000 at 2013, kung saan naitala sa tantos na 1.4% at 1.5%. Kakarampot na nga, kalakhan sa pondong ito ay nakalaan lamang para bigyan ng mga pabahay ang mga nakatira sa Metro Manila tulad ng plano sa 2015 na 68.6% ng housing budget.

Dagdag pa ng grupo, nakabalangkas din umano sa sa neoliberal na patakaran ang Urban Development and Housing Act, isang batas na pangunahing nasa likod ng pagpapalayas sa mga maralita mula sa kanilang mga komunidad para bigyang-daan ang pagtatayo ng mga pangkaunlarang proyekto ng mga dayuhan. Dikta rin umano ng neoliberal na patakaran ang pagpapanatiling bansot sa ekonomiya na bansa para matiyak ang malawak ng kawalang trabaho at ang mababang pasahod sa mga manggagawa.

Informal Settler Fund

Noong Oktubre 2011, naglabas ng P10B pondo ang pamahalaan para sa in-city housing ng mga maralitang nakatira sa tabi ng mga waterways sa Metro Manila. Mula ang nasabing pondo sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) at bahagi ng kabuuang P50B pondo na tinatawag na Informal Settler Fund (ISF). Ayon sa Department of Budget and Management, aabot sa P11.5 B pondo ang inilabas ng gubyerno para sa pabahay ng maralita mula sa kontrobersyal na DAP, liban pa sa kada-taong ISF at pondo para sa pabahay ng NHA at iba pang key-shelter agencies ng gubyerno.

Ngunit sa halip na sa mga in-city relocation sites, sa mga off-city relocation sites ang kadalasang inililikas ang mga maralitang nauna ng pinalayas sa kanilang mga komunidad sa tabing-ilog simula 2011. Hanggang nitong Setyembre 2014, aabot sa 49,640 na mga housing units na itinayo na ng NHA—3,318 dito ang matatagpuan sa mga in-city relocation site sa loob ng Metro Manila, habang nasa 46,322 ang matatagpuan naman sa iba’t ibang off-city relocation site.

Karagdagang 17,539 housing unit pa ang planong itayo ng gubyerno hanggang 2015—4,750 housing unit sa mga in-city relocation site, at 12,789 housing unit naman sa mga off-city relocation site ng gubyerno. Sa mahigit 22 bilyong pisong inilaan mula sa ISF, P5.051B ginastos sa pagtatayo ng mga pabahay sa mga in-city relocation site, habang P17.477B naman ang inilaan para sa mga off-city relocation site.

Ayon sa TF Relocatees, ang prosesong ito ay taliwas umano sa naging rekomendasyon ng isang pag-aaral noong 2011 na Department of Interior and Local Government. Ayon sa nasabing pag-aaral, kailangang hikayatin umano ang paglilikha ng mga on-site at in-city relocation site para sa maralita sa halip na off-city relocation site, pangunahin upang hindi sila malayo sa kanilang trabaho at kabuhayan.

Sa kabila ng bilyun-bilyong pisong pondo sa pabahay, kadusta-dusta ang kalagayan ng mga maralita sa mga off-city relocation sites, at nagpapatuloy ang kawalan ng batayang serbisyong panlipunan. Ang malupit pa umano ayon sa grupo, marami sa mga relocatees ang kumakaharap ng iba’t ibang banta ng pagpapalayas dahil hindi sila makabayad ng buwanang amortisasyon sa pabahay.

Kriminal na kapabayaan ng administrasyong Aquino

Nanawagan ang grupo sa kapwa nila maralita, lalo na ang mga biktima ng bulok na sistemang pabahay ng gubyerno na pahigpitin pa ang paglaban sa mga neoliberal na patakaran sa ekonomiya na tulak ng mga malalaking dayuhang bangko at kompanya.

Ayon naman kay Carlito Badion, convenor ng TF Relocatees at lider ng grupong Kadamay, "Tulad ng rebolusyong pinangunahan ni Bonifacio, tila napapanahon na muli na maglunsad na panibagong pag-aaklas ang mamamayan laban sa pambubusabos sa kanila ng administrasyong Aquino." Kasuklam-suklam na umano ang malalang kapabayaan at korapsyon sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Sa tala ng Ibon Foundation, aabot pa sa 250 pamilya o 1.3 milyong maralita ang nanatili sa mga evacuation centers, tent city, at mga bank houses, o di kaya'y napipilitang magtayo ng mga bagong bahay sa mga “No Build Zone” kung saan pinagkakaitan sila ng ng gubyerno ng mga ayuda at serbisyong panlipunan.

Kaparehas din umano ang sinapit ng libu-libong maralitang biktima ng Bagyong Pablo at Sendong sa Mindanao. Nanatili rin umanong walang tirahan ang nasa 40,000 marlaita isang taon matapos ang naganap Zamboanga Seige, ayon naman sa International Committee of the Red Cross. mga taon, ayon sa Kadamay.

Habang nanatili sa katungkulan si Aquino at ang kawing ng mga makadayuhang patakaran sa ekonomiya ng bansa, hindi kailanman mareresolba ang malawak na kawalang trabaho sa bansa na nag-aanak ng suliranin sa pabahay ng maralita.

Plano ring sumulat ng mga relocatees kay Pope Francis na nakatakdang bumisita sa bansa sa darating na Enero upang idulog ang kanilang kalagayan. 



No comments:

Post a Comment