Translate

Monday, January 26, 2015

Mga maralita, nagprotesta sa DSWD bilang pagkodena sa ginawang pagtatago sa mga street dweller noong Papal visit


Lumusob at nag-ingay ang iba't ibang grupo ng maralita sa tarangkahan ng Department of Social Welfare and Development ngayong umaga bilang pagkondena sa ginawa pagtatago ng ahensya sa mga streetdweller sa panahon ng pagbista ng Santo Papa sa bansa noong nakaraang Linggo.

Dala ng mga maralita sa kanilang protesta ang isang kariton na nagsisilbing tulugan ng mga maralita nating kababayan na walang sariling tirahan. Nakasulat sa kariton ang panawagan na 'Solusyunan, Huwag Itago ang Kahirapan!

Ayon sa DSWD, bahagi ng programa nitong Modified Conditional Cash Transfer (MCCT) ang inilunsad nitong aktibidad para sa aabot sa 500 street dweller sa isang mamahaling resort sa Nasugbu, Batangas mula Enero 14-19, at hindi umano ito isang paraan para itago sila sa mata ng Santo Papa.

Ngunit ayon kay Carliton Badion, secretary-general ng Kadamay, "Walang sinuman ang naniniwala sa mga pahayag ng DSWD kaugnay dito. Ang dapat gawin ni Dinky ay aminin ang ginawa nitong kasalanan at humingi ng paumanhin sa publiko."

"Kung hindi niya ito kayang gawin, ito na ang tamang panahon para mag-check out na siya sa DSWD, Huwag niyang hintayin na ang taumbayan pa ang huhugot sa kanya mula sa kanyang opisina," banta ng Kadamay.

"Kung Katoliko man si Dinky, naunawaan nya kaya ang mensahe ng Santo Papa sa mga public officials ng bumisita sya sa Malacanang na kailangang nilang magkaroon ng katapatan at integridad?," hirit pa ng lider.

Sa kwenta ng Kadamay, aabot sa P1.68 milyon ang ginastos ng gubyerno para sa nabanggit na MCCT seminar batay sa inihayag ng DSWD na halaga ng upa na P4,000 kada-gabi para isang kwarto. Hindi pa umano dito kasama ang gastos sa mamahaling pagkain at transportasyon.

"Maraming pabahay at trabaho na sana ang magagawa para sa maralita kung sa tamang programa ito inilaan ng gubyernong Aquino," ani Badion.



Samantala, nanawagan ang Kadamay kay Pangulong Aquino na itigil na nito ang pagpapatupad sa CCT na siyang flagship poverty alleviation program ng kanyang administrasyon. Liban sa magastos, kasinungalingan umano na epektibo ang programang CCT sapagkat patuloy na lumalaki ang tantos ng kahirapan sa bansa sa rekord na di pa napapantayn sa kasaysayan. 

Sa 2015 national budget, 36.6% ang bahaging kinukuha ng DSWD o P952.7 bilyon na ang kalahan ay ginagastos para sa programang CCT.  

Samantala, nanawagan din ang Kadamay sa administrasyong Aquino at sa mamamayan na simulan ang pagbabago ng istukturang panlipunan sa bansa na ayon sa Santo papa ay si yang ugat ng 'scandalous ineaquilites' at pagsasantabi sa mga mahihirap na Pilipino.

"Masisimulan umano ito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa, pambansang minimum na sahod para sa lahat ng maralitang manggagawa, at paglikha ng trabaho sa pamamagitan ng pambansang industriyalisasyon,' pagwawakas ni Badion.

No comments:

Post a Comment