Translate

Tuesday, January 13, 2015

Mga residente ng North Triangle, naglunsad ng prusisyon bayan bilang pagsalubong sa Santo Papa



Dala ang kani-kanilang mga imahe ng patron ng San Roque at ng Sagrada Familia, naglunsad ng prusisyong bayan ang mga residente ng Sitio San Roque, North Tirangle ilang araw bago ang pagdating ng Santo Papa.

Hangad nilang iparating kay Pope Francis ang kanilang imbitasyon sa Santo Papa na samahan sila sa kanila pakikibaka laban sa proyektong Quezon City Central Business District o QC CBD na siyang nasa likod ng pagpapalayas sa aabot sa 10,000 pamilyang kasalukuyang nakatira sa San Roque.



Ayon kay Estrelieta Bagasbas, lider ng grupong September 23 Movement, nais nilang samantalahin ang pagkakataon para maipaabot ng Santo Papa kay Pangulong Aquino ang kanilang kahilingang ipatigil ang demolisyon sa kanilang komunidad.

Simula pa noong 2010, kaliwa't kanang demolisyon ang kinaharap ng mga residente ng San Roque sa pagpapatupad ng lokal at pambansang pamahalaan sa proyektong QCCBD, isang Public-Private Partnership sa pagitan ng gubyerno at ng pamilya Ayala.

​Higit sa 7,000 pamilya na ang nailikas ng gubyerno patungo sa relokasyon sa Montalban, Rizal at Bulacan. Ngunit halos kalahati sa mga na-relocate ay unti-unti nang bumalik sa San Roque matapos isangla o ibenta dahil sa hirap ng buhay sa relokasyon.

Sa Enero 15 ay inaasahang dumating sa bansa ang Santo Papa. Sa Enero 16 naman ay inaasahang magkaroon ng dialogo ang Santo Papa kay Pangulong Aquino sa Malacanang.###


No comments:

Post a Comment