Kalbaryo umano ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang hatid ng kaliwa't kanang taas presyo at ng pagtataboy sa mga manininda sa bangketa na sumalubong ngayong Bagong Taon sa mga maralitang lungsod.
Sa gitna nito, naglunsad ng kilos-protesta ang mga maralitang lungsod ngayong araw para sa pagpapatupad ng P16,000 Monthly National Minimum Wage ng mga manggagawa. Dala ang mga timba ng tubig na walang laman, naglunsad sila ng pag-iingay sa hanay ng mga public commuters sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa tapat ng Sandiganbayan.
Nagtaas ng singil sa tubig noong Lunes ang Manila Water at Maynilad ng P0.36 at P0.38 kada metro kwadrado, samantalang noong Linggo naman ay nagtaas na ng ilang piso ang pasahe sa MRT at LRT.
Sa mga darating na araw, inaasahang magpatupad pa ng mas malaking rate hike ang dalawang water concessionnaire na aabot sa 9.8% na kasalukuyang halaga o P3.06 kada metro kwadrado dahil sa alternative rebasing adjustment Currency Exchange Rate Adjustment.
Ayon sa grupong Kadamay, hindi na alam ng mga maralita kung saan nila kukunin ang dagdag-singilin dahil sa nanatiling napakaliit ng sahod ng mga manggagawa habang maraming maralita ang walang trabaho. Samantala, nagpapatuloy naman ang atake ng gubyerno sa kabuhayan ng mga maralita kagaya ng mga street vendors.
Ayon pa sa grupo, nagsimula na rin noong Lunes ang pagpapalayas sa mga manininda sa bangketa sa Metro Manila kung kaya't marami na umano sa mga paninda ng mga vendors ang partikular ang mga nagtitinda sa bangketa at overpass kabahaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City ang nakumpiska ng awtoridad.
Wala na umanong masusulingan ang mga maralita sa ilalim ng administrasyong Aquino na sa halip na bigyan ng masaganang bagong taon ay labis pa silang pinapahirapan, ayon sa Kadamay.
"Hindi na nakakagulat na sa mga darating na araw ay tataas na naman ang tantos ng kahirapan at kagutuman na nararamdaman ng mga maralita lalo na ang mga nakatira sa Metro Manila," ayon kay Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng Kadamay.
Ang pagkilos ngayong araw ay bahagi ng malawakang protesta ng mga maralita kasama ang mga pampubliko at pribadong manggagawa sa All-Worker's Unity para sa P16,000 National Minimum Wage.
"Higit na napapanahon ngayon para sa gubyerno na itaas ang sahod ng mga manggagawa at magpatupad ng National Minimum Wage para mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga batayang serbisyo," ani Arellano.
No comments:
Post a Comment