Translate

Wednesday, July 8, 2015

Maralita sa tabing riles na maaapektuhan ng demolisyon, nanawagan ng suporta

BIÑAN CITY, Laguna – Tinatayang 168 pamilya ang mawawalan ng tirahan at kabuhayan kapag natuloy sa darating na Hulyo 9 ang malawakang demolisyon sa kahabaan ng tabing riles sa Brgy. Santo Niño sa lungsod na ito.

Sa inilunsad na kilos-protesta ng daan-daang maralita kahapon (Hulyo 6) sa plasa ng lungsod, nanawagan sila sa mamamayan na suportahan ang kanilang laban. Nagtungo rin sila sa bahay ni Mayor Marlyn “Len” Alonte upang hilingin siya, bilang ina ng lungsod, na makipagdayalogo at resolbahin ang problema nila.


Ayon sa Samahan ng Nagkakaisang Tinig sa Santo Niño (SNT), organisasyon ng mga residente na affiliate ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY), kapag natuloy ang demolisyon sa kanilang lugar, bukod sa walang tiyak na mapupuntahan ang mga pamilya, matitigil din sa eskuwela ang mga bata.

Sa isang pahayag, sinabi ng SNT-KADAMAY: “Pinagtatalunan pa rin ang budget sa riles na ayon sa taga-PNR (Philippine National Railways) ay mayroong budget (tulong pinansyal) para sa mga pamilyang aalisin sa baybay riles. Ngunit ayon naman sa taga-PCUP (Presidential Commission for the Urban Poor) ay wala ng budget. Ano ba talaga, kuya? Saan ba napunta ang budget? Kung gayon na wala na palang budget, kung kaya wala silang karapatan na palayasin ang mga naninirahan sa baybay riles.”

Paliwanag ng SNT-KADAMAY, pilit silang pinapalipat ng mga ahensya ng gobyerno sa relocation site sa Brgy. Langkiwa na batbat ng anomalya. Sa ilalim ng proyektong “Negosyong Pabahay”, mayroong 80 diumano’y “relocatees” na nagkabahay kapalit ng pera kahit bagong salta at nangupahan lamang ang mga ito sa tabing riles.

Dahil walang access sa pamilihan ang relocation site at malayo ito sa pinagkukunan nila ng kabuhayan, sabi ng SNT-KADAMAY, ang ibang lumipat doon ay napipilitan nang magnakaw o magbenta ng sariling laman.

Dagdag pa ng grupo: “Sa darating na Hulyo 9, suportahan at sama-sama nating ipagtanggol at ipaglaban ang katiyakan sa panirikan na may kabuhayan tungo sa isang disenteng pamumuhay.

No comments:

Post a Comment