Translate

Wednesday, September 23, 2009

Isang tanong para kay VP candidate Mar Roxas, galing sa maralitang-lungsod

NEWS RELEASE
September 23, 2009

Si Roxas ay dating Department of Trade and Industry (DTI) secretary at kinatawan ng Pilipinas sa mga negosasyon sa loob ng World Trade Organization (WTO). Ano kaya ang tindig niya sa mga usapin ng liberalization, deregulation at privatization sa ekonomya ng bansa, pawang mga polisiyang itinutulak ng dayuhan, at itinuturing ng Kadamay na malalaking salik sa kahirapan?

Ito ang tanong na nais ng grupong sagutin ng bagong-hirang na vice presidential candidate ng Liberal Party, sa okasyon ng nalalapit na G-20 (Group of 20) summit sa US at inaasahang igigiit muli ang mga polisiyang ito sa mga mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas.

“Tapusin na natin ang drama at simulan na nating pag-usapan ang mga isyung tunay na pinagmumulan ng kahirapan,” ani Jon Vincent Marin, tagapagsalita ng grupo.

Inilabas ng grupo ang hamon kasabay ng raling nilahukan nila ngayon, sa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), sa tanggapan ng World Bank (WB) sa Roxas Boulevard upang tuligsain ang gaganaping pagtitipon ng 20 malalaking bansa sa Pittsburgh, USA, ngayong Setyembre 23-25.

Ang G-20 ay binubuo ng mga abanteng kapitalistang bansa, gaya ng US, UK, at Japan, ang European Union, at ang mga ‘emerging economies’ gaya ng China, India at Indonesia. Noong nakaraang taon, itinalaga nito ang sarili bilang pangunahing forum sa pagharap sa kasalukuyang global financial and economic crisis. Ngunit sa dalawang nakaraang pagtitipon nito, lumilitaw ang agenda ng mga mayayamang bansa na igiit ang lalong pagbubukas ng ekonomya ng mga mahihirap na bansa para sa kanilang pakinabang.

“Asahan na natin na ang ireresulta ng Pittsburgh summit ay ang paggigiit sa ibayo pang liberalization, deregulation at privatization sa mga mahihirap na ekonomya gaya ng Pilipinas, gaya ng noon pa mang linya ng mga institusyon gaya ng WTO, IMF [International Monetary Fund] at WB. Naging sunud-sunuran dito si GMA, at naging sanhi din ito ng mas malawakang kahirapan sa ating bansa. Maaasahan kaya naming magbago ito kapag manalo ang tambalang Noynoy-Mar, lalo kay Mar na may malawak na kaalaman tungkol dito?,” ani Marin.

Hinamon din ng grupo ang lahat ng mga ‘presidentiables’ na ilantad ang kanilang tindig tungkol sa usaping ito, na anila’y isang “batayang” usapin sa pagreresolba ng kahirapan sa bansa. “Ang sinumang nangangakong sosolusyunan ang kahirapan subali’t walang pag-unawa sa mga global forces na nakakaapekto dito, ay siguradong papalpak,” dagdag ni Marin.

Muling iginiit ng grupo ang kanilang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang tanging solusyon sa kahirapan, at panahon na umanong pag-aralan ito at pagplanuhan ng mga nag-aasam sa matataas na pusisyon sa darating na halalan. ##

For further detals, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO | 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment