Translate

Thursday, September 24, 2009

Payo kay Gibo: Kunin na si BF bilang running mate

NEWS RELEASE
September 24, 2009

Pinayuhan ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) si administration standard-bearer Gilbert 'Gibo' Teodoro na kunin na bilang running mate si MMDA Chair Bayani 'BF' Fernando, dahil "bagay na bagay" umano ang dalawa.

"Si Gibo, bilang defense secretary, ay poster boy ng militarisasyon sa kanayunan, ng pagpaslang at pagdukot sa mga aktibista na gawain ng militar. Si BF naman ang tinaguriang 'berdugo' ng maralita at 'demolition king' sa kalunsuran. Bagay na bagay silang tandem na manggaling sa administrasyon," ani Jon Vincent Marin, tagapagsalita ng Kadamay.

Pag nagkataon, ayon sa grupo, ang tambalang ito ang "perpektong simbolo" ng "palpak at madugong rekord" ng administrasyong Arroyo, at ng klase ng hinaharap na inaalok ni Arroyo sa sambayanang Pilipino.

"Anuman ang mangyari, kailangan nang tuldukan ang siyam na taong paghahasik ng lagim ni Arroyo sa ating bansa. Para maseguro ito, kailangang gapiin ang mga manok ng administrasyon, laluna 'yung may mga rekord na ng pagiging anti-mamamayan at mahihirap sa kanilang panunungkulan sa gubyerno. Pihadong ipagpapatuloy lang nila ang paraan ng pamamahala ng kanilang amo, at poproteksyunan din si Arroyo sa pag-uusig pag-alis niya sa poder," ani Marin.

Samantala, muling iginiit ng Kadamay ang paglalatag na ng mga 'presidentiable' ng kanilang malinaw at kumprehensibong plataporma kaugnay sa pagsosolusyon sa matinding kahirapan, kagutuman, at disempleyo sa bansa. Hindi umano sapat ang 'mabuting intensyon', ayon sa grupo, kundi kailangang makapaghain ng tiyak, depinido at detalyadong mga programa ang mga kakandidato upang mapatunayang karapat-dapat nga silang pamunuan ang bansa.##

Reference: Jon Vincent Marin, Kadamay PIO | 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment