Translate

Thursday, October 22, 2009

Evacuees sa ULTRA, sapilitan nang pinapaalis

Mga evacuees, dumaing ng ‘pagmamaltrato’ sa loob

NEWS RELEASE
Oktubre 22, 2009

Harassment at pagbabanta na diumano ang ihinaharap ng mga opisyal ng DSWD at Pasig City government sa mga natitirang evacuees sa ULTRA upang sila ay paalisin, napag-alaman ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa patuloy nitong pagmomonitor sa kalagayan ng mga evacuees.


Hindi na rin umano pinapakain sa oras ang mga ito, maging ang mga bata, at sinara na rin ang CR ng lalaki para sa isang grupo ng mga evacuees doon.

Ayon sa mga evacuees na nakapanayam ng grupo, marami na rin ang umalis dahil sa panggigipit na ito ng mga naturang ahensya. Dagdag pa dito ang anila’y pagtawag sa kanilang mga ‘patabain’ at ‘patay-gutom’ makailang-beses ng mga nangangasiwa ng evacuation center.

Anila, anumang araw ay maaari na silang pwersahang ilabas ng ULTRA, sa kabila ng unang ibinigay na taning na hanggang katapusan ng buwan.

Gaya ng una nang naiulat, tanging ‘balik-bahay’ o ‘balik-probinsya’ na lamang ang inilalatag na opsyon ng DSWD at Pasig government sa mga evacuees, kung saan bibigyan ng maliit na halaga ang mga pipiling magbalik sa kanilang dating tinitirahan o magtungo sa probinsya. Binawi kamakailan ng mga nangangasiwa ang naunang ipinangakong relokasyon, na siyang giit ng mga natitirang evacuees na wala na umanong mapupuntahan.

Nakahanda umano silang lumaban para sa anila’y nararapat lamang na ipagkaloob ng gubyerno sa kanila, laluna sa kanilang kalagayan bilang biktima ng matinding sakuna.

Ayon naman sa Kadamay, nakahanda na rin silang pamunuan ang labang ito, gaya ng unang ipinahayag ng grupo sakaling “gagalawin” ng gubyerno ang mga evacuees ng ULTRA nang hindi sila malalaanan ng “makatarungan at disenteng pabahay.” ##

Appeal to the media: Please investigate inhumane treatment of ULTRA evacuees. Protest action involving the evacuees soon to be set. For further detals, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO | 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment