Translate

Wednesday, October 21, 2009

Tunay na repormang agraryo, susi sa ‘balik-probinsya’


Sa okasyon ng malakihang kilos-protesta ng mga magsasaka ngayon sa Mendiola
Tunay na repormang agraryo, susi sa ‘balik-probinsya’ – maralitang-lungsod

NEWS RELEASE
Oktubre 21, 2009

Kaugnay sa ginanap ngayong martsa ng mga magsasaka tungo Mendiola sa pamumuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), idiniin ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, na ang giit ng mga magsasakang ‘tunay na repormang agraryo’ ay siyang susi sa mga programang ‘balik-probinsya’ na inaalok ngayon ng gubyerno sa mga nasalanta ng bagyong ‘Ondoy’.

Ayon sa grupo, hindi magiging epektibo ang anumang programang ‘balik-probinsya’ hangga’t hindi matitiyak ang kabuhayan ng mga maralita doon, bagay na magagawa lamang kapag ipinamahagi na ang lupa sa mga magsasaka.

“Lalo lamang masasadlak sa hirap ang mga maralitang pababalikin sa probinsya dahil wala din silang sariling lupa upang sakahin. Kaya nga nagsisiluwas ang mga nasa probinsya tungo sa Maynila dahil sa matinding kahirapan sa kanayunan. Hangga’t walang lupa ang mga magsasaka, patuloy na dadami ang mga nakikipagsapalaran sa mga siyudad at lolobo din ang bilang ng mga maralitang-lungsod,” ani Leona ‘Nanay Leleng’ Zarsuela, tagapangulo ng Kadamay.

“Ngayon ang ihinahapag na solusyon ng gubyerno sa mga nawalan ng tirahan kay ‘Ondoy’ ay bumalik sa probinsya. Makakaasa kayong babalik din dito ang sinumang nag-‘balik-probinsya’ dahil narito ang kanilang kabuhayan, gaano man kasalat, kumpara sa lalong mahirap na kalagayan ng mga magsasaka sa probinsya.”

Kapag ipinatupad ang tunay na repormang agraryo sa kanayunan, ayon sa grupo, kusa nang magbabalik doon ang marami sa mga maralitang-lungsod at masosolusyunan din ang matagal nang pinoproblema ng gubyerno na ‘decongestion’ ng Metro Manila, maging ang dami ng mga ‘informal settlers’ at mga naninirahan sa mga ‘danger zones’. ##

For further detals, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment