Translate

Monday, October 19, 2009

Pangakong relokasyon, inurong sa mga evacuees ng ULTRA


NEWS RELEASE
Oktubre 19, 2009

Nagbago umano ang tono ng mga opisyal ng DSWD at lokal na pamahalaan ng Pasig na nangangasiwa sa evacuation center sa Philsports Arena (dating ULTRA), nang ipabatid sa mga evacuees noong Sabado na wala silang mailalaang relokasyon matapos itong unang ipangako sa kanila.

Ito ay ayon sa pagsisiyasat ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa kalagayan ng mga nananatiling evacuees sa ULTRA.

Una umanong pinapili ang mga evacuees sa alinman sa relokasyon, ‘balik-bahay’, o ‘balik-probinsya’. Marami ay tumanggap ng pera mula sa gubyerno upang makabalik sa kanilang mga inuuwian o magtungo sa probinsya, ngunit ayon sa impormasyong nakalap ng grupo, mula P2,000 hanggang P5,000 lamang ang ibinigay sa mga ito.

Ang mga nanatili naman ay umasa sa pangakong relokasyon, at gayon na lamang ang kanilang gulat nang ihayag sa kanila na walang mailalaang relokasyon ang gubyerno.

Marami sa mga pamilyang nananatili sa ULTRA, makalipas ang higit isang linggo buhat nang sila ay ilikas doon sa pananalasa ng bagyong ‘Ondoy’, ay wala nang babalikang mga tahanan.

Binabantayan na ngayon ng Kadamay ang maaaring mamuong tensyon sa loob ng evacuation center bunsod na rin ng ibinigay na dalawang-linggong taning ng gubyerno sa pananatili ng mga evacuees dito, na lilipas sa katapusan ng buwan.

Una nang nagbabala ang grupo sa pamahalaan na huwag gagalawin ang mga evacuees sa ULTRA hangga’t walang maihahandang maayos na paglilipatan para sa kanila, at nagbantang pamumunuan ang pagtutol ng mga evacuees na maalis sa ULTRA sakaling pwersahan silang paalisin ng gubyerno.

Relokasyon ng lahat ng Metro ‘squatters’, 'di sagot
Samantala, kaugnay sa inilabas na ulat ng Metro Manila Inter-Agency Committee on Informal Settlers (MMIAC) na kakailanganin ng gubyerno ng higit P30 billion sa loob ng 10 taon para i-relocate ang higit 500,000 pamilyang ‘illegal settlers’ sa Metro Manila, idiniin ng grupo na ang dapat unang solusyunan ng gubyerno ay ang kawalan ng trabaho at kakulangan ng sahod at kita, kung nais nitong permanenteng resolbahin ang problema ng ‘squatting.’

“Ang relokasyon, sa totoo lang, ay panandalian at agarang tugon lang sa mga problema ng paninirahan, at batay lang din sa sitwasyon. Halimbawa, sa ngayon, ipinapanawagan namin ang libre at disenteng pabahay para sa mga nawalan ng tahanan sa pagsalanta ni ‘Ondoy’. Kadalasan, dahil alam namin na ang kahihinatnan ding kalagayan ng mga maralitang inire-relocate ay mas malubha pa kaysa sa mga lugar na kanilang iiwan, tinututulan namin ang relokasyon,” ani Bea Arellano, secretary-general ng Kadamay.

“Subalit kung mag-uusap tayo sa balangkas ng sampung taon, ang pagtingin na magwawakas ang problema sa paninirahan basta’t i-relocate ang lahat ng tinatawag na ‘iskwater’ ay mali at siguradong papalya. Sa pangmatagalan, ang tunay na problema sa likuran nito ay ang kawalan ng trabaho at kakulangan ng sahod at kita, na siyang dapat unahing solusyunan ng gubyerno. Kapag nagawa nila ito, tiyak na mareresolba din ang problema sa paninirahan,” aniya. ##

For further detals, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment