Translate

Friday, November 27, 2009

‘Martsa ng Maralita’ sa Disyembre 3, iaalay para sa mga biktima ng Maguindanao Massacre

Idiin ang pananagutan kay Arroyo na siyang protektor ng mga Ampatuan, anang grupo

NEWS RELEASE / MEDIA ADVISORY
Nobyembre 26, 2009

Ang gaganaping ‘Martsa ng Maralita’ sa Disyembre 3, na katatampukan ng malakihang kilos-protesta ng mga maralitang-lungsod sa Metro Manila at iba pang mga siyudad, ay iaalay na sa mga biktima ng Maguindanao Massacre – isang kaganapan, ayon sa grupo, na nagbigay ng bagong kahulugan sa ‘kriminal na kapabayaan’ ng gubyernong Arroyo.

“Ang kawalang-pakundangan sa buhay at kagalingan ng tao, ang pamunuang walang ibang iniintindi kundi pagkapit sa kapangyarihan, ang bulok na sistema na nasa likuran ng pagdarahop ng maralitang-lungsod, laluna nitong nakaraang kalamidad – ang mga bagay ding ito ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen, at liban sa mga Ampatuan, dapat idiin ang pananagutan kay Gng. Arroyo na siya mismong nangalaga, nagpanatili, at nagkakanlong sa mga Ampatuan at sa ganitong sistema sa kabuuan,” ani Leona ‘Nanay Leleng’ Zarsuela, tagapangulo ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na siyang mamumuno sa nasabing protesta.

Ayon sa grupo, ang pamamalakad ni Arroyo sa bansa sa loob ng walong taon, kung saan naging normal ang pamamaslang at karahasan bilang polisiya ng gubyerno at walang kailanmang nanagot para dito, ang siyang “naglatag ng daan” para sa malagim na masaker.

“Ang ganitong klaseng krimen ay hindi nangyayari basta-basta,” ani Nanay Leleng. “Sinuman ang nasa likuran ng masaker, naisip nilang kaya nilang lusutan ang anumang pananagutan dito, dahil gayon na ang nagiging kalakaran sa ating bansa. At marahil dahil may sinasandigan silang proteksyon ng nasa Malacañang, ang mismong nagpakita sa kanila na kayang lusutan anuman ang gawing krimen sa panunungkulan.”

Ngayon, aniya, lumalabas na ang pinakamasasahol na mga epekto ng ‘kriminal na kapabayaan’ ng gubyernong Arroyo - ang kawalan nito ng kakayanang protektahan maging ang pinakamaliliit nating mga kababayan, hanggang sa mga abogado at mga taga-media. Mula sa mga pagkukulang sa paglalaan ng trabaho, kabuhayan, tirahan, at serbisyong panlipunan sa mga maralita, hanggang sa paglaganap ng kultura ng karahasan at kawalang-pakundangan sa buhay ng tao, ganito na kalalim ang nilubugang lusak ng bansa sa ilalim ng gubyernong Arroyo

“Ang tunay na hustisya ay hindi lamang makakamit sa pagsasakdal sa mga Ampatuan – at hangga’t nasa poder si Gng. Arroyo, malabo pa nga itong mangyari. Makakamit lamang ito kung ang buong kaayusan na nagkanlong sa kanila, at nagpairal din ng kultura ng karahasan at kawalang-pakundangan ay mapaparusahan, at kabilang dito si Gng. Arroyo,” ani Nanay Leleng. ##

_____________________________________________________________________________________________________________________________
MEDIA ADVISORY

SABADO, Nobyembre 28: Kapihan sa Cypress
Press Conference para sa Disyembre 3 ‘Martsa ng Maralita’
10:00 AM, Treehouse Restaurant, Matalino St., Diliman, Quezon City
Pag-anunsyo at pagpapaliwanag sa mga detalye at panawagan ng Disyembre 3 ‘Martsa ng Maralita’, mula sa mga lider ng Kadamay, Anakpawis, at KMU. Further details to follow.

Please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment