Translate

Friday, November 27, 2009

Grupo ng maralita: Paalam, at huwag ka nang babalik

Sa pagbibitiw ni Bayani Fernando bilang MMDA chair
Grupo ng maralita: Paalam, at huwag ka nang babalik

NEWS RELEASE
Nobyembre 26, 2009

Isang maanghang na paalam ang inilaan ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng maralitang-lungsod, kay Sec. Bayani Fernando matapos ang pagbibitiw nito bilang MMDA chair, at ipinahatid sa huli na huwag na umano nitong asamin ang pagka-Pangulo ng bansa.

Matatandaang ang Kadamay ang isa sa mga pinakamasugid na tumuligsa kay Fernando sa kahabaan ng panunungkulan nito sa MMDA, sa mararahas na demolisyon ng ahensya sa mga maralitang komunidad at pagtataboy sa mga sidewalk vendors. Ang grupo rin ang unang nagbansag kay Fernando bilang ‘berdugo’ ng maralita.

“Sa pagwawakas ng pamumuno ni Fernando sa MMDA, ito lamang ang aming masasabi…ang kanyang buong panunungkulan ay isang malaking krimen sa mga maralitang-lungsod,” ani Leona ‘Nanay Leleng’ Zarsuela, tagapangulo ng Kadamay. “Sa halip na pangarapin niya ang pagiging Pangulo ng bansa, ang dapat pa nga ay mahiya siya at panagutan niya ang lahat ng kanyang mga kasalanan sa mga maralita.

“Hangga’t hindi niya nauunawaan – at para din ito sa lahat ng mga ‘presidentiable’ – na ang nasa likuran ng samu’t saring mga problema sa kalunsuran ay ang kawalan ng trabaho, kabuhayan, sapat na sahod at kita, at tunay na programang pabahay mula sa gubyerno, hindi siya karapat-dapat na maging pinuno ng bansa,” dagdag ni Nanay Leleng.

Gaya din ng inihayag ng grupo kaugnay sa noo’y napipintong pagtakbo ni VP Noli de Castro para sa pagka-Pangulo, nangako ang Kadamay na lalabanan nito ang kandidatura ni Fernando hangga’t hindi “pinagbabayaran” ng huli ang “karahasan at pang-aabuso” ng MMDA sa mga maralita sa ilalim ng kanyang mga pamumuno.

Hamon sa bagong OIC ng MMDA
Samantala, hinamon naman ng grupo ang bagong-hirang na OIC ng MMDA sa pagbibitiw ni Fernando, ang dating Quezon City Judge Oscar Inosentes, na “itama ang mga mali” ni Fernando at itigil ang mga marahas at kontra-maralitang polisiya ng ahensya, kabilang ang pag-iimbestiga sa lahat ng kanyang mga tauhan sa mga kaso ng pang-aabuso at paglabag sa karapatang-tao.

“Alam ng lahat ang mga kaso ng karahasan, pang-aabuso, iligal na mga demolisyon, paninira at pagnanakaw sa mga gamit at paninda ng mga vendors, at iba pa, na naging regular na gawi ng MMDA sa pamumuno ni Fernando,” ani Nanay Leleng. “Bilang dating huwes, hinahamon namin siyang linisin ang kanyang ahensya, habulin at panagutin ang mga tauhan ng MMDA na responsable sa mga kasong ito, at itigil ang mga demolisyon at mararahas na operasyon laban sa mga maralitang-lungsod.” ##

No comments:

Post a Comment