Translate

Sunday, November 15, 2009

Busisiin muna ni Clinton saan napunta ang mga naunang donasyon -- grupo

Sa ipinangakong panibagong $5.2 milyon tulong sa mga nasalanta ng bagyo

Sa pangako ni US Secretary of State Hillary Clinton na panibagong 5.2 milyong dolyar na donasyon para sa 'relief and rehabilitation' ng mga nasalanta ng magkakasunod na bagyo sa bansa, dapat muna umano niyang busisiin kung saan napunta ang nauna nang mga donasyon na natanggap ng gubyerno para dito, ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

"Umaabot na sa higit 103 milyong dolyar ang natanggap ng gubyernong Arroyo mula sa ibayong dagat buhat nang nanalanta ang mga bagyong 'Ondoy' at 'Pepeng'. Sa palagay ba namin ay totoong napakinabangan ito nang buong-buo ng mga nasalanta? Hindi," ani Leona 'Nanay Leleng' Zarsuela, pambansang tagapangulo ng grupo ng ga maralitang-lungsod.

Aniya, ang kasalatan ng agarang tulong ng pamahalaan sa mga maralitang nasalanta, at laluna ang kawalan ng malinaw na mga programa para sa pagbangon ng kanilang kabuhayan at paninirahan, ay nagpapakitang hindi tunay na sinsero ang gubyernong Arroyo sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad at "malabong" inilalaan ang lahat ng natatanggap na donasyon para dito.

"Dapat humingi muna si Clinton ng 'audit' ng mga donasyon, igiit niyang patunayan muna ng gubyerno na may pangmatagalang plano ito para sa pagbangon ng mga nasalanta, bago siya magbigay ng panibago," ani Nanay Leleng.

Isang halimbawa umano ang kaso ng mga evacuees sa Ultra Stadium sa Pasig, isa sa mga evacuation center kung saan nagmonitor ang grupo. Halos ipagtabuyan umano ang mga nalalabing evacuees matapos ang ilang araw ng pananakot at panggigipit sa kanila, kapalit ang isang libong piso para mag-'balik bahay' o halaga ng tiket para mag-'balik probinsya'. Marami sa mga wala nang mauuwian at umasa sa relokasyon, o nanggaling sa mga lugar na hanggang ngayon ay lubog pa rin sa baha, ay napilitan na lamang tanggapin ang mga alok na ito. (tignan ang artikulo sa www.bulatlat.com, ‘Ondoy Survivors at Ultra Victimized Twice Over’)

Panawagan ng grupo, maglaan sa kagyat ang pamahalaan ng "tiyak at disenteng" paninirahan sa mga maralitang nawalan ng tahanan, at programa para sa trabaho o kabuhayan na sustenable at nakabubuhay. "Hindi masosolusyunan ang problema kung hanggang 'relief' lang ang gagawin ng gubyerno, na hindi pa nga umabot sa maraming mga lugar. Ang mga donasyong natatanggap nito ay dapat inilalaan din sa tuluyang pag-ahon ng mga nasalanta mula sa kahirapan, upang hindi na maulit ang ganitong trahedya.

"Kung sinsero nga si Clinton sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad, ito dapat ang una niyang hanapin sa plano ng gubyerno," ani Nanay Leleng. ##


For further detals, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment