Translate

Wednesday, March 24, 2010

Mga lider-maralita, naghatid ang ‘cease and desist order’ para sa mga maniobra ni GMA

Serye ng protesta tungo sa Marso 26 'Martsa ng Maralita'

Mga lider-maralita, naghatid ang ‘cease and desist order’ para sa mga maniobra ni GMA

NEWS RELEASE
24 Marso 2010

Isang higanteng 'cease and desist order' ang hinatid ng mga lider-maralita mula sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, at Anakpawis Partylist sa paanan ng Mendiola ngayon para umano sa mga "maniobra" ni Pangulong Arroyo para manatili pa sa kapangyarihan.

At sa makalawa, ayon sa grupo, libu-libo nang mga maralitang-lungsod ang dadagsa rito upang ulitin ang nasabing panawagan.

Sa Biyernes, Marso 26, nakatakda ang malakihang kilos-protesta ng mga maralitang-lungsod, ang 'Martsa ng Maralita' na may temang 'Stop GMA in 2010!'. Ito ay bunsod anila ng "malinaw na pagtatangka" ni Gng. Arroyo na panatiliin ang hawak sa kapangyarihan, na mangangahulugan sa pagpapatuloy ng rehimeng nagdulot sa mas matinding kahirapan, kagutuman, at kawalang-kabuhayan sa nakaraang siyam na taon.

__________________________________________________________

Susunod: Sa bisperas ng simula ng local campaign period: Mensahe sa Pampanga

Hindi man tayo aktwal na makakarating sa Pampanga, padadalhan ng mensahe ang mga Pampangueño sa pamamagitan ng paglilibot sa mga Pampanga-bound bus sa Cubao: Huwag iboto ang paglala ng kahirapan, katiwalian, at pang-aabuso sa karapatang-tao. Stop GMA in 2010!

Aakyatin ang mga Pampanga-bound bus, magpapahayag at mamimigay ng mga polyeto, tampok ang mga placards at signs in Kapampangan

BUKAS, March 25, 6 AM (simula sa Five Star Bus Station, EDSA-Cubao)
__________________________________________________________

"Ito ay babala kay Gloria Arroyo," ani Carmen 'Nanay Mameng' Deunida, chairperson emeritus ng Kadamay. "Hindi mangingimi ang taumbayan na mag-aklas at pwersahan siyang patalsikin sa pwesto, kahit ilang buwan na lang ang natitira sa kanyang termino. Ito ay kung hindi niya titigilan ang lantarang mga maniobra para manatili sa kapangyarihan, sa halip na matahimik na bumaba sa pwesto at harapin ang tiyak na mga asunto para sa siyam na taong pambubusabos sa bayan."

'Baraha ni Gloria'
Upang isalarawan ang naturang mga maniobra, naghanda rin ang grupo ng mga malalaking 'baraha ni Gloria' (please see earlier post).

Kabilang sa nakalarawan dito: pagtakbo ni Arroyo para kongresista sa Pampanga; 'no-el' o 'no-proc' scenarios sa darating na halalan, bunga ng pagpalya ng automation; pagtatalaga kay Gen. Delfin Bangit, kilalang loyalista ni Gng. Arroyo, bilang AFP Chief; at ang kamakailang desisyon ng Korte Suprema na pahintulutan ang Pangulo na magtalaga ng 'midnight' Chief Justice.

"Kaya hindi kapani-paniwala ang salita ng Palasyo at ni Mike Arroyo na mapayapang bababa sa pwesto si Gloria, dahil kabaliktaran naman ang nakikita sa gawa," ani Nanay Mameng.

Bukas nang umaga (6 AM, simula sa Five Star Bus Station, EDSA-Cubao), sa bisperas ng simula ng kampanyang lokal, iikutin ng mga kasapi ng Kadamay at Anakpawis Partylist ang mga malalaking istasyon ng bus sa Cubao, upang hikayatin ang mga pasaherong patungo Pampanga na ipahatid sa mga Kabalen: Huwag iboto ang paglala ng kahirapan, katiwalian, at abuso sa karapatang-tao.

Sa Biyernes, pangunahing tipunan ang Welcome Rotonda sa ganap na alas-2 n.h. (kabilang ang tatlo pang assembly points) para sa mga magmamartsa, na darating sa Mendiola nang alas-5 n.h. ##

For further details Jon Vincent Marin, PIO | 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment