Translate

Monday, June 28, 2010

Karagdagang 4 milyong mahihirap, legasiya ng rehimeng Arroyo-De Castro

NEWS RELEASE
28 Jun 2010

Apat na milyong Pilipino -- sa pinakamababa -- na idinagdag sa hanay ng mga mahihirap. Wala na umanong mas sisimple pang pagsusuma sa iiwang legasiya ng papaalis na rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo, ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

Kaya't ang anila'y una at pinakamahalagang tagubilin na dapat pakatandaan ni President-elect Noynoy Aquino, na sa makalawa ay manunumpa na sa tungkulin, ay huwag sana itong magiging "bagong GMA".

Isang 'lapida para sa rehimeng Arroyo' ang hinatid ng grupo sa Mendiola sa isang malakihang pagkilos ngayon, upang anila'y "itatak sa pang-habampanahon" ang pinal na hatol ng maralitang-lungsod sa kinamumuhiang panguluhan, matapos dumaan sa tirahan ni Aquino sa Times St. upang ihatid naman ang kanilang mensahe dito.

Ayon lamang sa datos ng gubyerno (at gamit ang napakababang poverty line), 2.1 milyong Pilipino ang nadagdag sa bilang ng mga mahihirap mula 2000 hanggang 2006. Sinundan naman ng ito ng di-bababa sa dalawa pang milyon sa huling apat na taon, ayon sa pag-aaral na kinomisyon ng United Nations Development Programme (UNDP).

Ang itinurong dahilan ng naturang pag-aaral, na inilabas lamang nitong nakaraang linggo: ang pagtaas ng presyo ng pagkain mula 2007 hanggang 2008, ang global financial and economic crisis ng 2008-09, at ang sunod-sunod na hagupit ng mga bagyong Ondoy, Pepeng at Santi.

Subalit sa kabila ng krisis, ang karagdagang 2 milyong mahihirap sa huling apat na taon ay hindi na umano katanggap-tanggap ('simply unacceptable'), ayon na rin kay UNDP country director for the Philippines Renaud Meyer.

Itinala ng gubyernong Arroyo ang pinakamahabang panahon ng sustained high unemployment sa kasaysayan ng bansa. Sa halip na masawata ang disempleyo, gaya ng ipinangako ni Arroyo sa kanyang SONA noong 2001, tumaas pa ng 621,000 ang bilang ng mga walang trabaho (unemployed) at 1.9 M naman sa mga kulang sa trabaho (underemployed), mula 2001-2009.

Malaki rin ang pananagutan dito ni Vice President Noli de Castro, ayon sa grupo, bunga ng papel nito sa malawakang demolisyon at pagsusulong ng anila'y 'negosyong pabahay'.

Kaya't payo ng grupo sa bagong Pangulo, pinakamainam na simula ang pagtitiyak lamang na hindi ito susunod sa yapak ni Arroyo. "Tignan lamang ni Noynoy ang 'road map' na tinahak ni GMA, at pumunta siya sa kabilang direksyon," ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng Kadamay,"kung ayaw niyang magkaroon ng lapidang kagaya nito pag nagtapos na ang kanyang termino."

Tampok din sa ginanap na pagkilos ang usapin ng proyektong Quezon City-Central Business District (QC-CBD), isa sa mga proyektong isinulong ng administrasyong Arroyo na ipinababasura ng grupo kay Aquino, dahilan sa malawakang demolisyon na idudulot nito sa may 25,000 pamilyang maralita.##

Reference Carlito Badion, Kadamay Vice Chair | 0939.387.3736
For further details, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay  PIO | 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment