Translate

Wednesday, July 7, 2010

Mga kahilingan ng maralita sa bagong administrasyon, ihahatid sa Malacanang sa Hulyo 10

NEWS RELEASE
07 Jul 2010

Kasado na ang isang malakihang pagkilos ng maralitang-lungsod, sa pangunguna ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), sa darating na Hulyo 10 upang ihatid ang anila'y mga "agarang kahilingan" ng sektor kay Pangulong Noynoy Aquino sa Malakanyang.

Makabuluhan ang nasabing petsa dahil ito rin ang ika-10 taong anibersaryo ng makasaysayang Payatas Tragedy, ang pagguho ng bundok ng basura sa Payatas Dumpsite noong Hulyo 10, 2000 na kumitil sa buhay ng higit 200 katao at iniwang walang tirahan ang daan-daan pa.

"Kami ay umaaasa na sa makasaysayang araw na ito, sisimulan na rin ng bagong administrasyon ang pagpawi sa mga kalunos-lunos na epekto ng kahirapan, na sinisimbolo ng trahedya sa Payatas," ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng Kadamay, na siya ring isa sa mga naging biktima ng naturang trahedya. "Magiging makabuluhang hakbang kung diringgin niya at ipapatupad ang ihahain naming mga kahilingan."

Layunin ng mga naturang kahilingan, ayon sa grupo, ay makapaghatid ng anila'y immediate relief o agarang kaginhawaan sa mga maralitang-lungsod, na inaasahan nilang maipatupad sa unang 100 araw ng administrasyong Aquino.

Kabilang dito ay mga kahilingan para sa pagpapalawig ng conditional cash transfer program ng pamahalaan, emergency employment, moratorium sa mga demolisyon at amnestiya sa bayarin sa mga programang pabahay ng gubyerno.

Ayon sa grupo, ipapaabot din nila sa Presidential Management Staff ang gaganaping pagkilos upang personal na tanggapin ng isang opisyales ng Palasyo ang kanilang mga kahilingan sa paanan ng Mendiola.

"Dito na natin susubukan ang pahayag ni P-Noy sa kanyang inagurasyon na ang taumbayan daw ang kanyang 'boss'," ani Badion.

Isasagawa din ng grupo ang maikling paggunita sa Payatas Tragedy sa marker nito sa Lupang Pangako, Payatas, sa umaga ng Hulyo 10, bago tumulak patungong Mendiola.##

Reference  Carlito Badion, Kadamay Vice Chair | 0939.387.3736
For further details, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO, at 0910.975.7660.

No comments:

Post a Comment