Translate

Wednesday, October 13, 2010

Grupo ng maralita, suportado ang manifesto kontra CCT

Sinuportahan ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), pambansang alyansa ng maralitang-lungsod, ang manifesto kontra sa conditional cash transfer (CCT) program ng administrasyong Aquino na nilagdaan ng 37 mambabatas noong Lunes.

Una nang inihayag ng grupo ang pagtutol sa naturang programa at ang napipintong pagbuhos ng P22-bilyong pondo para dito, na kapalit ang pagbabawas sa anila'y mas mahahalagang serbisyo ng gubyerno.

"Ang 4Ps [Pantawid Pamilyang Pilipino Program, CCT program ng pamahalaan] ay mapanlinlang at hindi magdudulot ng tunay na pag-unlad ng mga maralita," ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng grupo. "Wasto at nararapat suportahan ang pagtutol ng 37 mambabatas sa paglalaan ng napakalaking pondo sa programang ito."

Ayon sa pagsusuri ng grupo, mauuwi lamang sa pagkabigo ang programa dahil kulang na kulang din ang mga serbisyong pansuporta dito, partikular ang serbisyong pangkalusugan at edukasyon. Wala rin umanong sapat na trabahong naghihintay sa mga mabibigyan ng buwanang assistance.

Marapat pa, idirekta na lang umano ang pondo sa pagpapalaganap ng mga serbisyong panlipunan at paglikha ng maraming trabaho, upang maging kapaki-pakinabang sa higit na nakararaming maralita.

Ayon sa plano ng DSWD, target na maging bahagi ng programa ang 2.3 milyong pamilya pagdating ng 2011, samantalang nasa 9.4 milyon na ang bilang ng pamilyang naghihirap pagdaan pa lamang ng ikalawang kwarto ng 2010, ayon sa SWS.##

No comments:

Post a Comment