NEWS RELEASE
03 Feb 2011
Sinuportahan ng Kadamay, militanteng grupo ng maralitang lungsod, ang pinakahuling pagsisiwalat sa malawakang korapsyon ng mga heneral ng AFP ni Bb. Heidi Mendoza, dating awditor ng Commission on Audit (COA) at ni Lt. Col. George Rabusa, dating budget officer ng AFP. Ayon sa grupo, bagama't hindi na bago ang katiwalian sa loob ng AFP, malaking dagok ito sa milyun-milyong mamamayang naghihirap at nagugutom.
Binigyang-linaw ng nasabing pagbubunyag kung paano na-institusyonalisa ang korapsyon sa loob ng AFP at PNP, gayundin sa iba pang mga ahensya ng gubyerno. Sa kabila ng napakaliit na sweldo at benepisyo na natatanggap ng mga pangkaraniwang sundalo, na kalakhan ay nagmula sa hanay ng manggagawa at magsasaka, kumakamal naman ng dambuhalang kurakot ang mga heneral na umabot sa mahigit P400 milyong piso. Hindi pa kasama dito ang tinatayang bilyong piso na nakukuha sa mga proyekto at kontrata na hindi pa naiimbestigahan.
Pinuna ng grupo ang patuloy na pagkamal ng bilyong pisong kurakot ang gubyernong ito habang papalaki ang bilang ng mamamayang naghihirap. “Habang papaliit at kinakaltasan ang badyet para sa batayang serbisyong panlipunan at iba pang subsidyo, pinalaki ang pondo para sa AFP/PNP at ang modernization program nito.” ani Carlito Badion, Pangalawang Tagapangulo ng grupo. Dagdag pa ni Badion, “Napupunta lang naman sa mga bulsa ng mga korap na opisyal ng militar at pulis ang pondo nito. Dapat panagutin at parusahan ang mga tiwaling opisyal ng AFP na sangkot sa pangungurakot.”
Hindi pinaligtas ni Badion ang Rehimeng Aquino sa kawalang aksyon nito sa korapsyon. “Inutil si G. Aquino na sugpuin ang malaganap na kaso ng korapsyon sa militar at iba sa pang mga ahensya ng gobyerno. Ultimong ang kagyat na pagpapanagot kay Gng. Arroyo sa mga malalaking kaso ng korapsyon at iba pang kasalanan nito sa bayan ay hindi nito magawa. Binobola lang tayo ni G. Aquino kapag sinasambit nito ang islogang kung walang corrupt, walang mahirap.”
Ayon sa grupo, malaki ang posibilidad na maging sunud-sunuran si G. Aquino sa kapritso ng mga opisyal ng AFP at PNP dahil sa wala itong malaking impluwensya mula sa hanay ng militar at kapulisan katulad ng mga nagdaang adminsitrasyon. Hanggang ngayon, hindi pa rin tinatanggal ni G. Aquino ang lahat ng mga heneral na iniluklok ng nagdaang gubyernong Arroyo na umabot sa mahigit 40 ang bilang.
Samantala, nanawagan naman ang grupo sa mga makabayang opisyal at karaniwang kawal ng AFP at PNP na magkaisa ng at ilantad ang kanilang mga nalalaman hinggil sa korapsyon sa loob ng institusyon at makapag-ambag sa pagbibigay ng mga dokumento at ebidensya na gagamitin para sa pormal na pagsasampa ng kaso hanggang sa pagpapakulong sa mga sangkot na opisyal.
“Inaanyayahan namin silang mahigpit na makipagkapit-bisig sa malawak na bilang ng mamamayan na patuloy na nakakaranas ng matinding kahirapan at pagsasamantala sa ilalim ng kasalukuyang gubyernong Aquino,” ani Badion. ##
Reference Carlito Badion, Kadamay Vice Chair | 0939.387.3736
No comments:
Post a Comment