Translate

Thursday, February 3, 2011

Pagtaas ng singil sa tubig, kinundena, pagpapatupad sa susunod na linggo, pinapipigil kay P-Noy

NEWS RELEASE
03 Feb 2011

Sa isang piket-protesta (TODAY, Feb. 3, 10:00 AM) sa tanggapan ng MWSS sa Quezon City, kinundena ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang napipintong pagtaas ng singil sa tubig, na anila'y "panibagong pasakit" sa maralitang-lungsod.

Nanawagan din ang grupo kay Pangulong Noynoy Aquino na pigilan ang dagdag-singil, na ipapatupad sa susunod na linggo.

"Masakit sa amin ito lalo't nagtataasan din ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, at nakahanay pa ang pagtaas ng mga pamasahe," ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng grupo.

Aniya, katambal ang pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang bilihin, pati na ang napipintong pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT, lalong nawawalan ng halaga ang kakarampot na kita ng mga maralita sa araw-araw.

"Inaaprubahan ng gubyerno ni Aquino ang lahat ng mga dagdag-singilin, pero matigas siya pagdating sa dagdag-sahod," ani Badion. "Sino na nga ba raw ulit ang boss niya?"

Hamon ng Kadamay kay P-Noy, hanapan na ng permanenteng solusyon ang palagiang pagtaas ng singil sa tubig -- sa pamamagitan ng pagwawakas sa pribadong kontrol sa industriyang ito -- gayundin sa iba pang batayang serbisyo.

Dagdag pa, agarang tugunan ng pamahalaan ang panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod, na matagal na umanong pangangailangan bago pa man ang pinakahuling pagsirit ng mga presyo.

Reference
Carlito Badion, Kadamay Vice Chair | 0939.387.3736

No comments:

Post a Comment