Translate

Monday, November 28, 2011

Barikada ng mga residente sa Brgy. Kaligayahan, sinagasaan ng sasakyan [Maraming residente ang nasaktan at hinuli ng kapulisan]

UPDATED PRESS RELEASE l 28 November 2011
KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP-QC
For Interview: Sisel Cari, Kadamay QC chairperson (09228761807)

QUEZON CITY —Dalawang beses na tinangkang buwagin ng demolition team na inupahan ng Novaliches District Center sa pamumuno ni Tadeo Palma ang barikada ng mga maralita sa Sitio Looban, Brgy Kaligayahan, QC. Marami ang nasaktan at dinampot ng kapulisan. Kasalukuyang nagtawag ng reinforcement ang PNP upang buwagin ang barikada ng mamamayan sa ikatlong pagkakataon. Naka-hold sa Presinto 5 ng lungsod ang mga dinampot na mga lider at residente. Patuloy pa rin ang kiskisan ng mga residente at demolition team.

Naninidigan ang mga residente na labanan ang pagpapalayas na ginagawa sa kanila ng administrasyon ni Herbert Bautista. Planong itayo ang isang pabahay sa lugar na inuukupa ng higit 300 pamilyang maralita. Ngunit ayon sa mga residente, ang BistekVille II ay hindi naman magsisilbi para sa mga maralita.

Halos wala sa mga mapapalayas na residente mula sa Sitio Looban ang kwalipikido bilang benepisyaryo ng nasabing pabahay ng pamahalaang panglungsod. Ayon kay Virginia Restua, lider ng Sitio Looban Neighborhood Association-Kadamay, P2,400 ang buwanang bayarin at kailangang member ka ng SSS at Pag-Ibig. Hindi diumano talaga para sa mga maralita ang pabahay na ito.

Dapat itigil ni Bistek ang pagpapanggap nitong maka-mahirap sa mga programa nito gaya ng Bistek Ville at Socialized Housing Tax Ordinance, ani Sisel Cari, pangulo ng Kadamay QC. Ginagamit lang niya ang mga maralita para palusutin ang mga kontrata na pakikinabangan ng mga pribadong debeloper ng pabahay gaya ng Phinma at New San Jose Builders, samantalang animo’y basurang itinataboy ang mga maralita sa malalayong relokasyon.

Samantala, isang demolisyon din ng kabayahan ang nagaganap sa tabi ng BIR road sa East Triangle ng QC. Ayon sa mga residente, pinapalabas ng QC LGU na road widening ang nasa likod ng demolisyon, gayong malinaw na isang makadayuhang proyekyto na pagmamay-arian ng Ayala ang itatayo sa kanilang lugar. Sumuporta naman sa kanila upang itaboy ang demolition team ang mga maralita mula sa North Traingle at NIA road.

Nananawagan naman ang grupong Alyansa Kontra Demolisyon ng pambansang tigil demolisyon. Diumano, napakasahol ang sinasapit ng mga maralita dahil sa kaliwa’t kanang demolisyon ng kanilang kabahayan. Doble pasakit ang ginagawa sa kanila ng pamahalaan sa kabila ng kawalang trabaho, maliit na sahod at nagtataasang halaga ng mga bilihin. Patuloy diumano ang pagtangkilik ng rehimeng Aquino sa interes ng mga dayuhan at lokal na negosyante.

Kasalukuyang nagaganap ang Church People-Urban Poor Solidarity Conference sa Adamson University at inaasahang magsalita rin ang ilang mga obispo at taong-simbahan hinggil sa kaliwa’t-kanang demolisyon, at ang panawagan ng mga maralita para sa isang pambansang tigi-demolisyon.###

No comments:

Post a Comment