Translate

Thursday, November 24, 2011

[ Sa harap ng banta ng demolisyon] Suporta para sa maralita ng North Triangle, dumagsa mula sa taong simbahan

RELEASE l 24 November 2011
SEPTEMBER 23 MOVEMENT l KADAMAY NORTH TRIANGLE
Reference: Estrelieta ‘Ka Inday’ Bagasbas, September 23 Movement Chairperson (09464774781)

QUEZON CITY—Nagmartsa ngayong umaga (930am) sa EDSA ang mga taong simbahan patungo sa komunidad ng Sitio San Roque tangan ang mga krus na may nakasabit na panawagan laban sa demolisyon.

Ito diumano ay pagpapakita ng kanilang pakikiisa sa mga maralita ng North Triangle na nahaharap sa banta ng demolisyon sa darating na mga araw para bigyang daan ang proyektong Quezon City Central Business District. Sinalubong naman sila sa EDSA ng mga maralita at naglulunsad sila ng isang programa at solidarity lunch sa loob ng komunidad.

Ayon kay Fr. Charly Ricafort, M.I, tagapangulo ng Task Force for Urban Concscientization (TFUC-AMRSP), ang grupong nanguna sa nasabing aktibidad, nais nilang ipakita ang kanilang pakikiramay sa paghihirap na dinaranas ng mga maralitang lungsod dahil sa kaliwa’t-kanang demolisyon na isinasagawa ng pamahalaan ni Pangulong Noynoy Aquino.

“Malinaw na maling direksyon ang tinatahak ng ating pamahalaan sa pagtalikod nito sa kapakanan ng mas nakakaraming maralita para sa interes ng negosyo at dayuhan,” ani Fr Ricafort.

Noong Nobyembre 15 ay nakatanggap ang mga residente ng San Roque ng notice of demolition at simula noong lunes ay nagkasa na sila ng barikadang-bayan.

Ayon kay Estrelieta Bagasbas, tagapangulo ng September 23 Movement, lubos silang nagagalak na kasama nila ang mga taga-suporta mula sa simbahan sa labang kanilang kinakaharap upang ipagtanggol ang kanilang paninirahan. Matatandaang sinapit ng mga residente ng San Roque ang marahas na demolisyon noong Setyembre 23, 2010, ilang buwan lamang matapos maluklok si Pangulong Aquino sa Malacanang.

“Ang suportang inaasahan namin mula sa ating pamahalaan ay nakita namin mula sa mga tagasuporta mula sa simbahan. Nakakalungkot isipin na daan libong maralita ang ngayon ay nangangamba kagaya namin sa iba’t-ibang dako ng bansa dahil sa mga proyektong pangkaunlaran ni Aquino,” dagdag ni Ka Inday.

Sa ipinakikitang suporta ng mga taong-simbahan sa barikadang-bayan ng mga maralita ng San Roque, ani Ka Inday, higit na nagiging makatwiran ang kanilang paglaban sa mga bulok na patakaran ng administrasyon ni Noynoy Aquino. Minsan na nilang tinawag ang pangulo na demolition king at persona non grata, at pinagbantaang huwag subukang tumuntong sa kanilang komunidad ng pangulo dahil sa hindi makatao nitong pagtrato sa mga maralita. "Hindi dapat umastang tagasunod ng mga negosyante at dayuhan si Noynoy, bagkus ay paglingkuran niya ang mga kagaya naming higit na naghihirap," homon ng maralita kay Aquino.

Samantala, inaasahang dadagsa pa ang suporta para sa mga maralita mula sa iba’t-ibang grupo ng simbahan sa darating na mga araw. Ilulunsad sa pangunguna ng TFUC at Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa darating na Nob 28-29 ang isang Church People-Urban Poor Solidarity Conference sa Adamson University na naglalayong pasiglahin pa ang pakikialam at pagsuporta ng mga taong simbahan sa mga isyu at laban ng sektor ng maralitang lungsod. ###

No comments:

Post a Comment