Translate

Sunday, November 27, 2011

[Sa napipintong demolisyon ng mga iligal na istruktura sa North Triangle sa Lunes] Maralita at kawaning apektado ng proyektong QCCBD, nanindigang muling lalaban, planong kasuhan si CGMA

PRESS RELEASE l 27 November 2011
CONTRACBD
Concerned Organizations against Transfer, Lay-off, Privatization and Demolition for the QCCBD
For Interview: Estrelieta ‘Ka Inday’ Bagasbas, September 23 Movement chairperson (09464774781)

QUEZON CITY—“Libong kapulisan ang kailangang itapat nila sa barikadang bayan ng Sitio San Roque.”

Nakabihis katipunero, nanindigang muling lalaban ang mga maralita ng North at East Triangle kasama ang mga kawani ng pamahalaang apektado ng proyektong Quezon City Central Business District (QCCBD). Nagsagawa ang mga lider ng isang press conference sa Agham Road para ipahayag ang kanilang paghahanda sa napipintong demolisyon ng mga kabahayan sa Sitio San Roque, North Triangle sa darating na Lunes.

Nakatanggap ng Notice of Eviction mula sa National Housing Authority (NHA) noong Nob 15 ang ilan daang pamilyang nakatira Sitio San Roque. Ayon sa ‘Pahayag’ na natanggap nila, sila diumano ay mga iligal na nakatira sa lugar at dapat magbaklas ng bahay sa lalong madaling panahon.

Nanindigan naman ang mga lider-maralita sa pangunguna ni Estrelieta ‘Ka Inday’ Bagasbas na tagapangulo ng September 23 Movement, isang lokal na alyansa sa North Triangle na kanilang bibiguin ang anumang porma ng paggiba na isasagawa ng NHA at kapulisan sa darating na Lunes at sa mga darating na araw. Bagamat wala namang tinukoy sa ‘Pahayag’ mula sa NHA na araw bilang deadline sa pagbabaklas, nakatanggap diumano sila ng report na hindi na sila paabutin ng Disyembre sa kanilang lugar.

Nakatanggap din diumano sila ng report na maglalabas ng maraming warrant of arrest ang kapulisan para sa daan-daang pamilyang kinakategorya nilang iligal squatter dahil sa pagtatayo ng mga istuktura sa San Roque.

Ayon kay Ka Inday, “marami kaming mga kasapi na matagal ng nangungupahan sa Sitio San Roque, ngunit nawalan ng mga bahay nang nag-relocate ang mga may-ari nila patungong Montalban.” Dagdag pa niya, nakahanda ang mga kanilang samahan na tapatan ang anumang plano ng pamahalaan na palayasin kundi man ay arestuhin ang mga kasapi at lider nilang tinukoy na iligal na naninirahan ayon sa NHA.”

Kaso laban kay Arroyo
Hindi rin pinalampas ng grupo ang kasalanang ginawa ng dating pangulo na ngayon ay nakakulong at nahahrap sa kasong electoral sabotage at plunder. Ayon kay Bagasbas, si Arroyo ang naglikha sa Executive Order 620 at 620-A, ang batas na nagpawalang bisa sa EO 106 na dapat sana ay magtitikay ng pamamahagi ng mga lupa sa mga San Roque.

“Libu-libo maralita ang naghirap sa relokasyon Montalban, may mga namatay na, at maraming bata ang nahinto sa pag-aaral. Napakarami ng nagugutom sa relokasyon. Ito ang mga dahilan kung bakit halos kalahati sa mga nag-relocate ay nagsisibalikan sa San Roque. Hindi namin palulusutin si Arroyo sa ginawa niyang kasalanan sa libu-libong maralita. Ikokonsulta namin sa aming abugado ang paghahanda ng kasong sibil laban kay Arroyo para matiyak na siya ay mabulok sa kulungan,” ani Bagasbas. Nanawagan din kami sa Department of Justice na pag-aralan ang pagsasampa ng naturang kaso.

Banta kay Aquino
Nagbanta rin ang grupo na mangyayari rin kay Aquino ang sinasapit na kalbaryo ngayon ni Arroyo kapag ipinagpatuloy pa nito ang demolisyon sa kanilang komunidad. “Kailangang kaagad na ipawalang-bisa ni Aquino ang EO 620 at 620-A para patunayan niya na hindi siya kawangis ni Arroyo. Hindi pa namin nakakalimutan ang marahas na demolisyon sa San Roque noong Setyembre 2010, ilang buwan lamang matapos maluklok sa poder si Aquino,” dagdag ni Bagasbas.

Matatandaan ding kaagad na binawi ni Aquino, na noon ay nasa ibang bansa, ang utos ng NHA at QC LGU na ipagiba ang mga kabahayan noong nakaraang taon. Nananawagan din ang grupo kay Aquino ang pagpapatigil ng demolisyon ng kabahayan ng mga maralita sa buong bansa.

Pagkakaisa ng San Roque, NIA Rd at BIR Rd
Ang mga residente ng NIA Rd at BIR Rd, mga komunidad na sakop din ng QCCBD ay nakikiisa sa laban ng San Roque. Ayon sa mga residente, sila rin ay nakakaranas ng iba't ibang porma ng demolisyon at pagpapalayas dahil sa proyektong QCCBD.

Nitong nakaraang linggo lang ay nasunog ang komunidad ng NIA Rd, na naapektuhan sa 500 pamilya. Ang BIR rin ay nakaranas ng sunog noong unang parte ng Nobyembre nitong taon.

"Ang sunog ay isa sa pinakamasahol na uri ng demolisyon, di man direktang responsibilad ng mga ahensya ng pamahalaan sa mismong sanhi ng sunog, ang mga ganitong sakuna ay ginagamit nila upang paalisin kami sa aming mga tirahan," sabi ni Mario Sumagang, miyembro ng Bayan Muna NIA chapter.

Isang araw pagkatapos ng sunog sa may NIA Road, nagpunta ang mga ahente ng NHA at namigay ng sulat na nagbabawal sa mga nasunugan na tayuan muli ang kanilang mga lote sabay ang pagalok ng mga lupa para sa relokasyon.

Tuloy ang laban
Bilang simbolo ng kanilang pagtutol, pinunit ng mga lider ang mga ‘pahayag’ na parang mga sedula at nagdeklara ng all-out-war laban sa demolisyon na pinaplano ng rehimeng Aquino sa nasabing press conference.

“Malaon ng nakakasa ang aming depensa laban sa demolisyon. Sa araw ng Lunes at sa darating pang mga araw, tiyak na bibiguin at muli naming papalayasin ang mga demolition team, mga pulis at SWAT na kasama nila. Libong kapulisan ang kailangan nilang itapat sa aming depensa,” ayon kay Jocy Lopez, tagapangulo ng Kadamay North Triangle.

Ang mga maralitang lunsod ay nangakong maninindigan tulad ng pakikipaglaban nila Andres Bonificio, na ang kaarawan ay igugunita sa Miyerkules, at mga katipunero laban sa mga kolonyistang Espanyol hangga't di nakakamit ang kanilang panawagan para sa disenteng paninirahan, trabaho na may sapat na sahod at serbisyong panlipunan.###

No comments:

Post a Comment