Translate

Saturday, April 28, 2012

Reaksyon ng Kadamay sa kautusan ng DILG

Panandaliang tagumpay para sa maralita bunsod ng militanteng pagkilos, makitid na solusyon ng gobyernong Aquino

"Pansamantalang tagumpay ito para sa maralitang lungsod ng Maynila bunga ng militanteng pagkilos upang depensahan ang kanilang mga tirahan at kabuhayan. Ngunit hindi pa tapos ang laban."

Ito ang reaksyon ng Kadamay hinggil sa inilabas na kautusan ni DILG Secretary Jessie Robredo na pansamantalang itigil ang mga demolisyon sa Kamaynilaan.

 "Dagdag na oras ito para sa mga komunidad ng maralita upang patibayin ang kanilang mga barikada habang ang mga maralitang komunidad naman sa buong bansa ay naghahanda para sa mga labanan sa demolisyon," ani Carlito Badion, Bise Presidente ng Kadamay.

 Ngunit hindi umaasa ang Kadamay sa anumang pangako ng pamahalaan. "Pinapakita lamang ng kautusan ng DILG order makitid na pagharap ng administrasyong Aquino sa abang kalagayan ng maralitang lungsod," ani Badion.

 "Ang utos ni Robredo ay sumasaklaw lamang sa pagrebisa sa mga patakaran at proseso ng pagharap ng NCRPO sa mga kaso ng demolisyon. Hindi nito hinaharap ang suliranin kung bakit handang magsakripisyo kahit ng kanilang buhay ang mga maralita," paghihinagpis ni Badion.

 "Sumasaklaw rin ang kautusan sa Metro Manila lamang samantalang nagaganap at magaganap ang mga demolisyon sa ibang mga syudad at rehiyon sa bansa."

 Matapos ang marahas na demolisyon ng San Roque sa Quezon City noong Setyembre 23, 2010 na nagresulta sa labanan sa EDSA sa pagitan ng mga lumalabang residente at pwersa ng gubyerno, nag-utos si Aquino ng pambansang moratorium at pagbubuo ng DILG Technical Working Group (TWG).
 "Wala namang nangyari doon sa ipinasang ulat ni Robredo kay Pangulong Aquino na naglalaman ng mga rekomendasyon mula sa pag-aaral ng TWG noong Marso 2011 dahil hindi naman ito naipatupad. Tila si Robredo mismo ay iniwanan na ang kanyang mga rekomendasyon," ayon kay Badion.

 "Sa kanyang katalinuhan, dapat alam ni Secretary Robredo na walang magiging katuturan ang kanyang kautusan hangga't walang makabuluhang pagbabago sa balangkas at mga patakaran kaugnay sa maralitang lungsod."

 "Hangga't ang pagtrato ng gobyerno sa maralitang lungsod ay basura, propesyunal na iskwater, basura, nagpapababa sa halaga ng lupa, humaharang sa pag-unlad ng pamayanan, at kinakailangang itapon sa mga malalayong relokasyong walang trabaho at kabuhayan, lalong titindi ang ligalig at paglaban ng maralitang lungsod. Hindi ito banta kundi reyalidad na mangyayari. Panahon na lamang ang magsasabi," pagtatapos ni Badion.

 Media Release
28 April 2012
Reference: Carlito Badion, Kadamay national vice chair, 0939.387.3736

No comments:

Post a Comment