NEWS RELEASE
Enero 22, 2009
Sa pagsalubong kagabi at ngayo’y pag-anib ng mga maralitang-lungsod sa mga magbubukid ng matagumpay na 'Lakbayan ng Anakpawis para sa Lupa at Katarungan', muling idiniin ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang anila’y malaon nang taghoy ng maralita: wakasan ang kahirapan, sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa.
Libo-libong sulo ang nagpasiklab sa gabi sa pagdating ng mga ‘Lakbayani’ sa paligid ng tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City, kung saan nagtagpo ang mga grupo ng magbubukid mula sa magkabilang-panig ng bansa. Ngayong umaga, nakatakda ang huling hakbang ng ‘Lakbayan’ sa pagtulak nito patungong Mendiola, bahagi sa paggunita sa ika-23 anibersaryo ng Mendiola Massacre.
At isa rin ang sektor ng maralitang-lungsod na tutulak kasama ng mga magbubukid, tanda umano ng pagkakaisa ng mga mahihirap sa lungsod at kanayunan, at kanilang nag-iisang panawagan at mithiin.
"Nito lamang nakaraang araw, may nabalita na namang ale na tinapon ang kanyang mga anak sa ilog Pasig at nagtangka ring magpakamatay, dahil sa ubod na kahirapan. Hanggang kailan tayo makakarinig ng mga ganitong pangyayari, hanggang kailan natin matitiis na nagkakaganito ang ating mga kababayan?," ani Kadamay Chairman Emeritus Carmen ‘Nanay Mameng’ Deunida.
Ayon sa ulat, isang nagngangalang Mimi Abila, isang 40-anyos na scavenger, ay napag-alamang inihagis ang kanyang dalawang anak sa Ilog Pasig at siya ring tinangkang magpakalunod, nitong Martes, subalit nasagip siya ng mga awtoridad. Ayon sa mga nag-imbestigang pulis, hindi umano baliw ang nanay na ito kundi idinadahilan ang kanilang "pagkaapi" dahil sa kahirapan, kaya ninais niyang magpakamatay kasama ang kanyang mga anak, na pawang mga babae at may edad 5 at 8.
Sa paggunita sa 13 magsasaka na pinaslang sa paanan ng Mendiola noong January 22, 1987, nang paputukan ng mga militar ng noo’y-gubyernong Aquino ang hanay ng mga nagpoprotesta para sa tunay na reporma sa lupa, pahayag ni Nanay Mameng, "Napakatagal na ng labang ito, marami nang nagbuwis ng buhay, at marami na ring namamatay dahil sa kahirapan, kagutuman, at kawalang-pag-asa. Isa lamang ang aking tanong: Hanggang kailan?" ##
For further details, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO, at 0910.975.7660.
No comments:
Post a Comment