Translate

Monday, March 25, 2013

Daan-daang maralita, nagmamartsa na patungong US Embassy, Mendiola ngayong hapon


Matapos simulan kaninang umaga ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap sa labas ng Philippine Orthopedic Center ang kanilang buong araw na protesta protesta, saglit na dumaan ang bulto ng aabot sa 300 maralita sa tarangkahan ng University of the Philippines Manila sa Padre Faura, Manila, kung saan nagsindi sila ng kandila at nagtali ng pulang laso para sa napayapang estudyanteng si Kristel Tejada.

Matapos ang maikling programa sa labas ng UP Manila ay tumungo naman ang grupo sa labas ng Korte Suprema kung saan nanawagan sila sa mga mahestrado na bilisan ang pagdinig sa kanilang petisyon na ideklarang unconstitutional ang anila's kontra-maralitang probisyon ng Urban Development and Housing Act. Ayon sa Kadamay, ang UDHA o RA 7279 ang nagliligalisa ng malawakang demolisyong sumasalanta sa komunidad ng maralita.

Bago umalis sa labas ng Korte Suprema ay sinunog ng grupo ang pitong talampakang taas na mga letra ng UDHA. Kaagad din naman silang tumulak sa tarangkahan ng Department of Justice upang ipagpatuloy ang kanilang programa. Sa mga susunod na oras ay daan ang martsa ng mga maralita sa US Embassy sa Roxas Boulevard, Department of Tourism sa Kalaw Ave at sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa loob ng Intramuros kung saan inaasahang dudugtong ang  nasa 500 pang mga maralita bago magtungong Mendiola ang bulto sa ganap na alas-5 ng hapon.

"Sa loob ng tatlong panunungkulan ni Aquino, walang ibang dinanas ang mga maralita kundi ang ibayong kahirapan at kagutuman sa kabila ng ipinagmamalaki nitong matuwid na daan at pag-unlad ng ekonomiya," ani Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng KADAMAY. Inaasahan umano ng grupo na magiging malinaw ang kanilang mensahe sa ating mga kababayan na kailangang agaran ng patalsikin ang pangulong tagapamandila ng mga neoliberal at kontra-maralitang patakaran. ###

Reference: Gloria Arellano, KADAMAY national chair, 0921.392.7457
--
Kalipunan ng Damayang Mahihirap
Militanteng Sentro ng Maralitang Lungsod sa Pilipinas
12-A Kasiyahan St, Don Antonio Heights, Brgy. Holy Spirit, Quezon City

No comments:

Post a Comment