Translate

Wednesday, May 29, 2013

Estero clean-up drive ng MMDA, papogi lang--KADAMAY

Tinawag na papogi lamang ang clean-up drive sa mga daanan ng tubig sa Metro Manila na isinasagawa ng mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) simula kahapon ng umaga sa pangunguna ni MMDA Chairman Francis Tolentino.

Ayon kay Carlito Badion, national secretary-general ng KADAMAY, ginawa lang ito ng MMDA upang hindi sabihing naging inutil ang kanilang ahensya sa inaasahan na matitinding kaso ng pagpabaha sa Metro Manila sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan.

Ayon sa KADAMAY, walang siginipikanteng magagawa ang naturang clean up drive upang tiyakin na hindi na mauulit ang trahendyang tulad ng epekto ng pagragasa ng Bagyong Ondoy at Hanging Habagat.
Kinondena rin ng grupo ang palagiang paninisi ng gubyerno sa mga maralitang nakatira sa tabi ng mga daanan ng tubig na umano'y nasa llikod ng matinding pagbaha, at ang plano ng gubyerno sa massive relocation sa kanila bago ang tag-ulan.

"Hindi ang mga maralita ang dahilan ng tumitinding pagbaha sa Metro Manila, kundi ang kahinaan ng gubyernong ipatupad ang mga tumpak na solusyon upang maiwasan ito," ani Badion.

Ayon kay Badion, kung talagang seryoso ang administrasyong Aquino na maiwasan ang tumitinding pagbaha sa Metro Manila, dapat matagal na umanong ipinatigil nito ang malawakang pagtotroso at pagmimina sa mga bulubunduking nakapaligid dito. 

Palagian din umano dapat ang  pagsasaayos ng mga nasisirang pumping station sa bunganga ng mga ilog. At dapat  din umanong ipahinto na ang planong reclamation projects sa Manila at Laguna Bay na inaasahang babara sa pagdaloy ng tubig mula sa mga estero sa Metro Manila.

"Sapagkat patuloy na walang ginagawa ang gubyerno sa mga nabanggit na hakbangin, bagkus ay paninisi pa ang ginagawa nito sa mga maralita, aasahan ng mga residente ng Metro Manila ang mas malala pang pagbaha sa mga darating na buwan," pagwawakas ni Badion.###
 
Reference: Carlito Badion, KADAMAY national sec-gen, 09393873736

No comments:

Post a Comment