Translate

Monday, July 29, 2013

Higanteng dagdag-pondo ng MMDA para sa 2014, inalmahan ng grupong KADAMAY

Hindi malayong sa bulsa lamang ng iilang tao sa loob ng administrasyong Aquino mapupunta ang 81% dagdag sa pondo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) para sa taong 2014.

Ito ang pahayag ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) sa mungkaheng pondo ng MMDA na nagkakahalagang P2.65B mula sa General Appropriation Act of 2014 .

Pambihira umano ang pagtaas ng pondo ng MMDA kung ikukumpara sa pagtaas ng pondo ng iba pang ahensya ng gubyerno, ayon pa sa grupo.

"Nakakaduda at walang batayan ang higanteng pagtaas ng pondo ng MMDA mula P1.48B," ayon sa pahayag ng grupo.

Dagdag ng KADAMAY, "Walang kredibilidad ang MMDA na humiling ng ganito kalaking pondo sapagkat napatunayan namang inutil ito sa pagresolba sa problema ng pagbaha sa Metro Manila, kabilang na ang palyadong drainage system at declogging operation nito sa mga nagdaang taon.

Ayon pa sa grupo, hindi rin umano katanggap-tanggap ang taguri sa nasabing pondo na MMDA performance-based budget, sapagkat kung ganon ay dapat lumiit sa halip na lumaki pa ang pondo ng nasabing kung pagbabatayan ang performance ng ahensya sa ilalim ng pamamalakad ni Chairman Francis Tolentino.

Ayon naman sa MMDA, gagamitin nila ang pondo para sa tatlong performance targets: traffic management services; solid waste disposal and management services; at flood control and sewerage management services.

"Malinaw na ang pagtataas ng pondo ng MMDA ay may kinalaman sa pagpapatampok ng administrasyong Aquino sa problema ng pagbaha sa Metro Manila nitong nakaraang nuwan kung saan isinisisi nito sa mga maralitang nakatira sa tabing estero habang pinagtatakpan naman ang mahabang panahong kapalpakan ng mga ahensya ng gubyerno kabilang na ang MMDA," ayon sa KADAMAY.

Nanawagan ang grupo sa mamamayan na maging mapagbantay upang hindi umano mauwi sa kurapsyon ang buwis na kanilang pinaghirapan. P2.26T ang pambansang budget na hiniling ng Malacanang sa Kongreso para sa taong 2014. ###

Reference: Carlito Badion, KADAMAY national secretary-general, 09393873736

No comments:

Post a Comment