Translate

Monday, July 22, 2013

“Lalong naghirap ang kalagayan ng maralita sa ilalim ng administrasyong Aquino” -- Kadamay

“Pinagmamayabang ng gobyernong Aquino na lumalago ang ekonomya kahit na papalala ang batayang kalagayan ng ekonomya at mamamayan. Ang aping kalagayan ng maralitang lungsod ang patunay ng pagkabigo ng gobyernong ito na mabawasan man lang ang kahirapan.”

Ito ang pahayag ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) habang pinangunahan ng militanteng grupong ito ang mahigit 10,000 demonstrador mula sa mga maralitang komunidad sa Metro Manila at mayor na syudad sa buong bansa.

“Papalaki ang bilang ng naghihirap at nagugutom na Pilipino dahil sa laganap na kawalan ng trabaho at kabuhayan. Walang saysay para sa amin ang pinagmamayabang ni Aquino na paglago ng ekonomya. Habang tumataas ang presyo ng mga batayang pagkain at serbisyong panlipunan, hindi naman dinidinig ang panawagan para sa makabuluhang dagdag-na-sahod. Isinasapribado ang mga serbisyong publiko kasama ang serbisyong pangkalusugan,” ani Gloria Arellano, pambansang pangulo ng Kadamay.

“Ang pagsunod ni Aquino sa mga patakarang neoliberal na ‘globalisasyon’ sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP) na nagbubuyangyang sa ekonomya para sa malalaking dayuhan at lokal na negosyante ang salarin. Mahigit 500,000 pamilyang naninirahan sa mga tinatawag nitong kolonya ng iskwater sa Metro Manila ang kumakaharap sa malawakang dislokasyon sa ilalim ng PPP ni Aquino, kung saan 20,000 pamilya sa daang-tubig ang mapapalayas,” ayon kay Arellano.

Depektibong solusyon

“Nahuhubaran na ang pangunahing programang kontra-kahirapan na Conditional Cash Transfer (CCT) o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) bilang dole-out at kontra-insurhensiyang instrumento. Hindi nito maiaaalis ang milyun-milyon laban sa kahirapan.”

Pinapakita ng mga SWS sarbey na tumaas ang bilang ng kahirapan mula 8.9M pamilya noong 2012 patungong 20.6 M pamilya nitong 2013 habang 3.6M pamilya naman ang nagugutom noong 2010 na naging 7.9M pamilya nitong Marso 2013.

“Nangangarap rin ang administrasyong Aquino na walisin ang mga maralitang komunidad sa mapa at ilipat sila sa malalayo at delikadong relokasyon sa ngalan raw ng kaunlaran. Mabibigo rin ang planong ito dahil hindi naman ito sumasagot sa kawalan ng industriyal na kaunlaran na maglilikha ng sustenableng trabaho para sa mamamayan at sa kawalan ng tunay na reporma sa lupa upang mapigilan ang rural-urban migration,” paliwanag ni Arellano.

“Minimithi ng maralitang lungsod ang tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon. Ngunit suntok sa buwan na makakamit namin ito sa ilalim ng gobyernong Aquino dahil ang tunay na boss nito ay ang malalaking dayuhan at lokal na negosyante.”

Ang pag-asa namin ay nasa kolektibong lakas ng maralitang lungsod at ng mamamayan na lalaban sa kontra-mamamayang gobyerno ilan man ang dumaan, hanggang sa magkaroon ng tunay na gobyernong magkakatawan sa maralita at mamamayan,” pagtatapos ni Arellano. ###

Reference: Gloria Arellano, KADAMAY national chair, 09213927457

No comments:

Post a Comment