Translate

Tuesday, July 23, 2013

SONA ni Aquino, deklarasyon ng gyera kontra-maralita ng rehimen--KADAMAY

Nakahanda umano ang mga maralitang lungsod na biguin ang ibayo pang pagtindi ng atake ng administrasyong Aquino sa sektor ng maralitang lungsod sa susunod na tatlong taon. Ito ang pahayag ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o KADAMAY matapos ang ika-apat na State of the Nationa Address kahapon na tinawag nilang isang malinaw na deklarasyon ng gyera ng gubyerno laban sa sektor.

Ayon sa KADAMAY, binigyang katwiran lamang ni Aquino ang paglilikas sa mga maralitang-lungsod kabilang na ang mga nakatira sa tabi ng estero patungo sa mga relokasyong malayo sa kanilang kabuhayan sa kabila ng pagtutol ng mga maralita.

Dagdag pa ng grupo, ni isang salita ay wala man lang nabanggit ang pangulo kaunay sa mararahas na implementasyon ng mga demolisyon, kabilang na ang pagpaslang sa mga lider-maralita na tumutol sa demolisyon.

Ayon kay Carlito Badion, national secretary-general ng KADAMAY, ang katahimikan ni Aquino ay nangangahulugan lamang na bahagi ang gubyernong Aquino sa lumalalang paglabag sa karapatan ng mga maralitang lungsod na inaalisan ng kanilang tirahan at kabuhayan.

"Malinaw na walang ibang maasahan ang mga maralita kay Aquino sa pagsusulong nito sa interes ng malalaking negosyante at dayuhan," ayon pa kay Badion. Kinondena ng lider ang pagbibigay prayoridad sa mga kontra-maralitang batas gaya ng Fiscal Incentive Bill na mangangahulugan lamang umano ng marami pang kaso ng demolisyon ng maralitang komunidad. Inaasahan din ng KADAMAY ang mabilis na pagpapatupad ng Chater Change upang ibuyangyang ang bansa sa pagpasok ng mga malalaking dayuhang negosyante.

Kontra-maralitang kongreso

Hirit din ni Badion, tiyak na magiging instrumento lang ang kongreso sa mas pinantinding atake sa mga maralita ng rehimen. Mga sagad-sagaring kontra-maralita ang mga nahalal na pinuno ng mababa at mataas na kapulungan ng kongreso.

"Sila House Speaker Sonny Belmonte at Senate President Franklin Drilon ay mga batikang tagapamandila ng Public-Partnership na nagtatanggal sa responsibildad sa gubyerno na tugunan ang paglalaan ng batayang serbisyong panlipunan sa mamamayan," ani Badion.

Ayon sa KADAMAY, isa si Belmonte sa sinasabing nasa likod ng New San Jose Builders, Inc, isang real-state developer na kumikita sa pagtatayo ng mga murang pabahay sa malalayong relokasyon ng gubyerno. Sinimulan umano ni Belmonte sa kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Quezon City ang malawakang paglilikas sa mga maralita patungo sa mga relokasyon sa Montalban, Rizal.

Samantala, si Drilon naman ay tagapagtulak sa Senado ng pagsasapribado ng mga pampublikong ospital sa bansa. Si Drilon ang nagsulat ng Senate Bill 3031 na naglalayong gawing government-owned and controlled corporation ang 26 pampublikong ospital sa bansa.

"Ang mga demolisyon at pribatisasyon ng mga pampublikong ospital ay ilan lamang sa mga aasahan ng maralita sa tatlong taon pa ng administrasyong Aquino.

"Habang patuloy ang kahirapang dinaranas ng mamamayan sa kawalan ng tunay anti-poverty programs ng gubyerno, asahan ni Aquino mas titindi pang pag-aaklas ng mga maralita hanggang sa tuluyang pagpapatalsik sa kanya sa poder," pagwawakas ni Badion.

Reference: Carlito Badion, KADAMAY national secretary-general, 09393873736

No comments:

Post a Comment