Sa pahintulot ng Korte Suprema na magtalaga ng 'midnight' CJ
GMA, inilalatag na ang mga baraha para manatili sa kapangyarihan -- grupo ng maralita
Panawagan sa taumbayan: Sugurin ang Malacanang sa Marso 26
NEWS RELEASE
19 March 2010
Sa desisyon ng Korte Suprema (SC) na pahintulutan ang Pangulo na magtalaga ng Chief Justice (CJ) sa kabila ng election ban, makikitang inilalatag na ni Gloria Macapagal-Arroyo ang kanyang mga baraha para sa tangkang pananatili sa kapangyarihan lagpas sa 2010.
At tayong mga taumbayan, lalung-lalo na ang mga mahihirap, ang tanging makapipigil nito.
Ito ang mensahe ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, na namuno sa sigwa ng mga protesta ngayong hapon kaugnay sa kontrobersyal na desisyon ng SC at sa anila'y "maitim na balakin" ni Arroyo, sa iba't ibang punto sa Commonwealth Avenue.
Ani Bea Arellano, pangkalahatang kalihim ng Kadamay, tanging malawakang pagkilos na lamang ng taumbayan ang makakapigil sa planong ito, kaya't ipinapanawagan na ito ng grupo sa nakatakdang kilos-protesta ng mga maralitang-lungsod sa Marso 26.
"Mula sa kanyang pagtakbo para Kongresista sa Pampanga, sa pagtakbo rin ng kalakhan ng kanyang gabinete at kanyang mga kaanak sa iba't ibang distrito sa bansa, sa nagbabadyang mga senaryo ng 'no-el' o 'no proc' dahil sa mga problema ng automation, hanggang sa pagkakahirang niya ng loyalistang AFP chief at ngayon naman ay paghirang ng 'midnight' CJ -- lahat nang ito ay malinaw na bahagi ng isang plano, at walang ibang tunguhin kundi ang pananatili at pagpapalakas pa ng kapit ni Gloria Arroyo sa kapangyarihan," aniya.
“Panawagan namin sa taumbayan: tapusin na natin ang paghahari at pagpapahirap sa ating ito ni Gloria Arroyo. Sumugod tayo sa Malacanang sa Marso 26, at siya ay patalsikin na natin sa pwesto upang hindi na makapagtagal pa!”
Dala din ng mga raliyista ang mga malalaking ‘baraha’ kung saan nakalarawan ang mga naturang galaw ni Gng. Arroyo upang makapanatili pa sa kapangyarihan.
Bukas, Marso 20, itinakda ng grupo ang press conference kaugnay sa magaganap na Marso 26 kilos-protesta, sa Treehouse Restaurant sa Quezon City.##
Reference: Bea Arellano, Secretary General, Kadamay | 0921.392.7457
For further details, please contact Jon Vincent Marin, PIO, Kadamay | 0910.975.7660
No comments:
Post a Comment