Translate

Tuesday, March 23, 2010

(Mar 22, NFA) Wakasan ang siyam na taong kagutuman at kawalang-seguridad sa pagkain, sa ilalim ni GMA

NEWS RELEASE
22 Marso 2010

“Wakasan ang siyam na taong kagutuman at kawalang-seguridad sa pagkain, sa ilalim ni GMA."

Ito ang naging tema ng protestang isinagawa ngayon ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang lungsod, sa harap ng National Food Authority (NFA) warehouse sa Visayas Avenue, Quezon City, upang ipanawagan sa ahensya na agapan ang anila'y "napipintong pagsirit ng presyo ng pagkain, laluna ng bigas" bunsod ng kasalukuyang El Niño, at muling ibenta sa merkado ang NFA Rice sa dati nitong presyo na P18.25 kada kilo.

Ang protesta ay bahagi ng serye ng mga pagkilos na dudulo sa malakihang kilos-protesta ng mga maralitang-lungsod, ang Marso 26 'Martsa ng Maralita' (Stop GMA in 2010!) tungo Mendiola.

"Dahil din sa kapabayaan ng gubyernong Arroyo, malinaw na hindi tayo naging handa upang abatan ang epekto ng El Nino sa ating agrikultura at mga magbubukid. Ngayong bilyun-bilyong piso na ng mga pananim at produksyon ang napinsala, ang panawagan namin, matuto naman sila sa kanilang pagkakamali at maging maagap na sa tiyak na susunod na mangyayari -- ang pagsirit ng presyo ng pagkain dito sa kalunsuran," ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng Kadamay.

Aniya, duda ang grupo sa kamakailang pahayag ng Department of Agriculture (DA) na mananatiling istable ang presyo ng mga pangunahing pagkain sa papasok na ikalawang kwarto ng taon, sa kabila ng epekto ng matinding tagtuyot.

"Parang imposible itong sinasabi nila," ani Badion. "At ganito mismo ang na nagdala sa atin sa ganitong kalagayan. Sa panahon ng kalamidad, hindi na dapat abangan pa ng gubyerno ang mga epekto bago kumilos; sa halip, ngayon pa lang ay pagulungin na ang mga mekanismo para sa mas masusing price monitoring at price control, at pagbabantay laban sa mga negosyanteng maaaring magsamantala ng sitwasyon."

Partikular sa NFA, kinakailangan umanong palawigin pa sa merkado ang murang bigas upang tiyakin na laging may mabibili ang mga maralitang-lungsod, at ibalik ito sa dating presyo nitong P18.25 kada kilo.

"Bago pa man ang kasagsagan ng El Niño, naabot na ng administrasyong Arroyo ang record-high na kagutuman sa ating bansa," ani Badion, na tinukoy ang huling resulta ng SWS survey kaugnay dito (Fourth Quarter 2009 Social Weather Survey: Hunger at new record-high 24.0%). "Hindi pa ba sapat na dahilan ito para ilaan ng gubyerno ang pinakamurang bigas sa pinakamalaking bilang ng mamamayan?"

Pinatunayan lamang umano nito na ang iskemang 'family-access cards', na siyang naglilimita sa pribilehiyong makabili ng P18.25 kada kilong bigas sa piling mga pamilya lamang, ay dapat nang ibasura at sa halip ay ibalik na lamang sa mga pampublikong pamilihan ang ganitong presyo.

"Ang record-high ding kagutuman ay nararapat ilagay sa lapida ng administrasyong Arroyo. Sa nakaraang siyam na taon na ipinapanawagan natin ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang matagalang solusyon sa kagutuman, nanatili siyang bingi, at sa halip ay umasa sa importasyon at nagsilbing protektor ng mga panginoong maylupa at dayuhang negosyante. Ngayon, ni sariling pagkain natin bilang bansa, hindi natin kayang seguruhin, lalo pa sa panahon ng kalamidad," ani Badion.

"Ang problema pa natin, handa na ang lapida, pero ang ililibing natin ay pumapalag pa. Hindi pa yata kuntento si Arroyo sa kahirapan at kagutumang idinulot niya sa taumbayan, at nagpupumilit pang manatili sa kapangyarihan. Kaya gusto naming ibaon ang 'ika nga'y 'huling pako sa kabaong', sa 'Martsa ng Maralita' sa Marso 26." ##

Reference Carlito Badion, Vice Chair, Kadamay | 0939.387.3736
Further details Jon Vincent Marin, PIO | 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment