Comelec, hinimok na maging "tagapagtanggol ng bayan, hindi ng Smartmatic"
NEWS RELEASE
23 March 2010
Sa gitna ng kaliwa't kanang alegasyon ng malawakang dayaan sa nakaraang halalan, may isa pang bagay na nais ipasilip ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na anila'y posible ring senyales ng manipulasyon.
Ito ay ang "biglaan at kahina-hinalang paglobo" ng mga boto para sa partylist.
Ayon sa pananaliksik ng grupo, tumaas nang higit 79% ang kabuuang boto para sa partylist ngayong 2010 mula noong nakaraang halalan (2007), at higit 83% ng lahat ng bumoto ngayon ay bumoto sa partylist -- kahina-hinalang paglobo, ayon sa grupo, kung titignan ang trend sa mga nakaraang eleksyon (tignan ang tsart).
"Posible kayang sa loob lamang ng tatlong taon, mula 2007 hanggang 2010, ganito kalaki ang itinaas ng awareness at pag-unawa ng tao sa sistemang partylist, at sa mga tumatakbong grupo? Parang hindi kapani-paniwala," ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng Kadamay.
Binanggit ni Badion na ayon lamang sa March 21-28 survey ng Pulse Asia, nasa 42% lamang ng mga Pilipino ang may nalalaman tungkol sa partylist system. Ang pinakamataas nang naitala ng survey group sa partylist awareness ay 59%, noong 2007.
Hinala ng grupo, isinagawa ang manipulasyon upang paboran ang mga partylist na kaalyado o sinusuportahan ng administrasyong Arroyo, at upang pataasin ang 2% threshold na kailangang abutin ng mga progresibong partylist kagaya ng Anakpawis, Bayan Muna, at Gabriela.
Noong 2007, kinailangan lamang ng higit 306,000 boto ng isang partylist group para sa 2% threshold at para sa isang congressional seat. Ngayon, batay lamang sa partial results, kinakailangan na ng higit 549,000 boto para sa isang kinatawan.
"Malinaw na nakadirehe ang manipulasyon para mahirapang pumasok ang mga progresibong partylist, na inaasahang kokontra sa posibleng House Speakership ni GMA," ani Badion.
'Maging tagapagtanggol ng bayan, hindi ng Smartmatic'
Samantala, hinimok naman ng Kadamay ang Comelec na "maging tagapagtanggol ng bayan, hindi ng Smartmatic," sa harap ng sunod-sunod na mga alegasyon ng malawakang dayaan.
"Ang problema dito sa Comelec, wala silang ibang ginagawa ngayon kundi ang maliitin at isantabi ang mga alegasyon ng dayaan, sa desperasyon nilang patunayang malinis ang kanilang sistema. Ang lumalabas, hindi na boto ng taumbayan ang kanilang pinoprotektahan, kundi ang pangalan ng Smartmatic," ani Badion.
Sa halip umanong “ipagkibit-balikat”, dapat nangunguna pa umano ang Comelec sa pag-iimbestiga sa lahat ng iregularidad, kabilang ang mga kaganapan labas pa sa automation – vote-buying, karahasan at malawakang disenfranchisement.
"Ang kailangan ng bayan ay katotohanan, hindi ang ilusyon na naging malinis ang nakaraang halalan."
Reference Carlito Badion, Vice Chair, Kadamay | 0939.387.3736
For further details, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO | 0910.975.7660
No comments:
Post a Comment