Translate

Tuesday, January 25, 2011

Grupo ng maralitang lungsod kinundena ang marahas na demolisyon sa Corazon de Jesus, San Juan

PRESS RELEASE
Enero 25, 2011

Mariing kinundena ng grupong Kadamay at Alyansa Kontra Demolisyon ang naganap na marahas na demolisyon sa Corazon de Jesus, San Juan kaninang alas 8 ng umaga. Naiwang sugatan ang may 40 residente habang may 10 pang dinampot ng mga pulis.

"Makatarungan ang pagtatanggol ng mga residente ng Corazon de Jesus sa kanilang karapatan sa paninirahan na matagal na nilang ipinaglalaban", ayon kay Carlito Badion, Pangalawang Tagapangulo ng Kadamay.

Matagal nang naninirahan ang mga residente sa Corazon de Jesus. naipamahagi na ang lupain sa nasabing lugar sa bisa ng Executive Order 164 sa panunungkulan pa ng dating pangulong Corazon Aquino at EO 54 sa ilalim naman ng nagdaang administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo. Makailang beses na rin tinangkang idemolis ang mga kabahayan sa mga sa loob ng 3 dekada ng paninirahan sa lugar.

Ani Jocy Lopez, tagapagsalita ng Alyansa Kontra Demolisyon, "Hindi katanggap-tanggap na palalayasin ang mga maralitang nainirahan sa Corazon de Jesus upang itayo lang ang isang Parking Space ng Munisipyo ng San Juan."

May nakalaan umano ang lokal na pamahalaan ng San Juan na relokasyon sa Rodriguez, Rizal para sa mga madedemolis na pamilya. Matatandaang inihayag ng grupo na hindi naangkop sa paninirahan ang mga relocation site sa naturang lugar dahil sa pagiging disaster prone nito bukod sa malayo sa kabuhayan at paaralan ng mga bata.

Ayon sa dalawang grupo, dapat panagutin ang mga pulis, mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng San Juan at mga opisyales na sangkot sa pagpapademolis at pandarahas sa mga lumabang residente.

Binweltahan naman ng dalawang grupo ang Adminstrasyong Aquino sa mga patakaran at polisiyang na ayon sa kanila'y kontra maralita.

"Patikim pa lang ito ng Adminsitrasyong Aquino sa dadanasing pagpapahirap ng maralitang lungsod sa taong 2011. Ipinapakita ni Noynoy Aquino ang kanyang tunay na kulay", sabi ni Lopez

"Nakahanda ang mga maralitang lungsod, tulad ng mga residente ng Corazon de Jesus na labanan ang mga kontra maralitang patakaran ng Administrasyong Aquino", dagdag pa ni Badion ##

REFERENCE: Carlito Badion, Vice Chairperson, Kadamay|0909.613.8649
Jocy Lopez, Spokesperson, Alyansa Kontra Demoliisyon|
0928.299.8089

No comments:

Post a Comment