NEWS RELEASE
14 Jan 2011
Suportado ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, ang paghamom ng mga mambabatas kay Pangulong Aquino at NFA administrator Angelito Banayo na pangalanan at panagutin ang mga may pakana ng labis na importasyon ng NFA rice noong nakaraang administrasyon.
“Hindi dapat palampasin ang ganitong anomalya lalo na't bigas ang pangunahing pagkain ng mga mamamayan. Napakahabang panahon na mula noong Hulyo nang pumutok ang iskandalo ng labis na importasyon ng bigas sa ilalim ni Arroyo, subalit hanggang ngayon ay walang aksyon si Noynoy,” ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng grupo.
Higit umanong dinanas ng maralitang lungsod ang matinding kagutuman dahil sa labis na importasyon at overpricing ng bigas nitong nagdaang taon, ayon sa grupo.
“Bukod sa agarang pag-iimbestiga at pagpapanagot sa mga may sala, dapat agarang umaksyon ang Senado at Kongreso upang ibalik sa 18.25 pesos o mas mababa pa ang presyo ng NFA rice,” ani Badion.
May mensahe din ang grupo kaugnay sa paggunita ngayon sa ika-24 na anibersaryo ng Mendiola Massacre, ang pagkakapaslang sa mga lider-magbubukid sa paanan ng Mendiola Bridge noong panahon ng administrasyon ni Cory Aquino.
“Narito rin ang solusyon upang maputol na ang mga anomalya sa importasyon ng bigas,” ani Badion. “Tunay na reporma sa lupa -- na matagal nang ipinaglalaban at ipinagbuwis ng buhay ng mga magbubukid -- ang siya ring magtitiyak sa rice self-sufficiency ng bansa.” ##
Reference Carlito Badion, Kadamay Vice Chair | 0939.387.3736
No comments:
Post a Comment