Translate

Monday, January 17, 2011

Kamay ng US, malinaw sa mga patakaran ni P-Noy -- grupo

US Embassy, sinugod ng mga maralitang-lungsod; bandila ng Amerika, sinunog

NEWS RELEASE
17 Jan 2011

Nagsunog ng bandila ng Estados Unidos ang mga kasapi ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, sa isang protesta sa US embassy upang kundenahin ang anila'y "nagpapatuloy" na kamay ng US sa mga polisiya ng kasalukuyang administrasyong Aquino, na malinaw sa mga 'neoliberal' na patakaran na ipinapatupad nito.

"Ang pagpapatupad ng 'Public-Private Partnerships', na walang pinag-iba sa mga programang pinasok na ng mga nakaraang rehimen, ay isang trademark na ng US," ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng grupo. "Ang bulag na pananalig sa pribadong sektor at dayuhang puhunan ay lagi't lagi nang idinidikta sa atin ng Amerika, at lagi ring nauuwi sa lalong paghihikahos ng mamamayan."

Sa ilalim ng nasabing neoliberal na balangkas na sinusunod ng kasalukuyang administrasyon, nagpapatuloy ang pag-abanduna ng gubyerno sa tungkulin nitong maghatid ng mga batayang serbisyo sa taumbayan, na nauwi na sa pagtaas ng presyo ng bigas, dagdag-singil sa toll fees, at napipintong pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT.

Ito ay sa kabila pa ng kawalang-aksyon ng pamahalaan sa panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod, ayon sa grupo.

"Sa harap ng nagtataasang presyo ng mga bilihin at serbisyo, ni hindi magawang proteksyunan ng gubyerno ang kagaya naming mahihirap dahil sa pagkatali nito sa dikta ng US," ani Badion.

Inendorso din ng Amerika ang ipinamamandilang programa ‘kontra-kahirapan’ ng administrasyong Aquino, ang conditional cash transfers (CCT), na ayon sa grupo ay "panlilinlang" lamang sa mga maralita at mauuwi rin sa kabiguan.

"Kailangang maunawaan ng ating mga kababayan na hangga't hindi tuluyang mabubunot ang impluwensiya at kapangyarihan ng Amerika sa ating bansa, wala tayong pag-asa sa tunay na kaginhawaan," ani Badion. "Hindi mareresolbahan ang mga pinakamalalim nating suliranin, kagaya ng reporma sa lupa at paglikha ng sapat na trabaho, hangga't naririyan sila't pinananatili ang bulok na sistema."

Reference Carlito Badion, Kadamay National Vice Chair | 0939.387.3736

No comments:

Post a Comment